The Bible

 

Ezekiel 36

Study

   

1 At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

2 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: sapagka't sinabi ng kaaway sa inyo, Aha! at, Ang dating mga mataas na dako ay aming pag-aari;

3 Kaya't manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't, sa makatuwid baga'y sapagka't kanilang ginawang sira kayo, at nadaig kayo sa lahat ng dako, upang kayo'y maging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y nabanggit ng mga labi ng mga mangdadaldal, at masamang ulat ng bayan;

4 Kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Dios: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga bundok at sa mga burol, sa mga daan ng tubig at sa mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayan na nangapabayaan, na mga naging samsam at kakutyaan na nalabi sa mga bansa na nangasa palibot;

5 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Tunay na sa silakbo ng aking paninibugho ay nagsalita ako laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom, na nagtakda ng aking lupain sa kanilang sarili na pag-aari na may kagalakan ng buo nilang puso, na may sama ng loob, upang ihagis na pinakasamsam.

6 Kaya't manghula ka tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok at sa mga burol, sa mga daan ng tubig at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y nagsalita sa aking paninibugho at sa aking kapusukan, sapagka't inyong tinaglay ang kahihiyan ng mga bansa.

7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking itinaas ang aking kamay, na aking sinasabi, Tunay na ang mga bansa na nangasa palibot ninyo, mangagtataglay sila ng malaking kahihiyan.

8 Nguni't, kayo, Oh mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagka't sila'y malapit nang dumating.

9 Sapagka't, narito, ako'y sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y mabubukid at mahahasikan;

10 At ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, buong sangbahayan ni Israel, sa makatuwid baga'y siyang lahat; at ang mga bayan ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay mangatatayo;

11 At ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop; at sila'y magsisidami at mangagkakaanak: at aking patatahanin kayo ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng magaling kay sa una: at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, sa makatuwid baga'y ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi mo na sila wawalaan ng mga anak.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't kanilang sinasabi sa iyo, Ikaw na lupain ay manglalamon nga ng mga tao, at naging mapagpahirap sa iyong bansa;

14 Kaya't hindi ka na manglalamon pa ng mga tao o papatay pa man sa iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios;

15 O iparirinig ko pa man sa iyo ang kahihiyan ng mga bansa, o magtataglay ka pa man ng kakutyaan ng mga bayan, o ititisod mo pa man ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios.

16 Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,

17 Anak ng tao, nang tumatahan ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang inihawa ng kanilang lakad at ng kanilang mga gawa: ang kanilang lakad sa harap ko ay naging parang karumihan ng babae sa kaniyang kapanahunan.

18 Kaya't aking ibinugso ang aking kapusukan sa kanila dahil sa dugo na kanilang ibinubo sa lupain, at dahil sa kanilang nilapastangan ng kanilang mga diosdiosan;

19 At aking pinangalat sila sa mga bansa, at sila'y nagsipanabog sa mga lupain: ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga gawa ay hinatulan ko sila.

20 At nang sila'y dumating sa mga bansa, na kanilang pinaroonan, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan; sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, Ang mga ito ay bayan ng Panginoon, at nagsilabas sa kaniyang lupain.

21 Nguni't iginalang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sangbahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinaroonan.

22 Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Hindi ko ginawa ito dahil sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, kundi dahil sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinaroonan.

23 At aking babanalin ang aking dakilang pangalan, na nalapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila; at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Dios, pagka ako'y aariing banal sa inyo sa harap ng kanilang mga mata.

24 Sapagka't aking kukunin kayo sa mga bansa, at pipisanin ko kayo na mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25 At ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo.

26 Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

28 At kayo'y magsisitahan sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang; at kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

29 At lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan: at aking patutubuin ang trigo, at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng kagutom sa inyo.

30 At aking pararamihin ang bunga ng punong kahoy, at ang ani sa bukid, upang huwag na kayong tumanggap pa ng kadustaan ng kagutom sa mga bansa.

31 Kung magkagayo'y inyong maaalaala ang inyong mga masamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti; at kayo'y mayayamot sa inyong sarili sa inyong paninging sarili, dahil sa inyong mga kasamaan at dahil sa inyong mga kasuklamsuklam.

32 Hindi dahil sa inyo ginagawa ko ito, sabi ng Panginoong Dios, tantuin ninyo: kayo'y mangahiya at mangalito dahil sa inyong mga lakad, Oh sangbahayan ni Israel.

33 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasamaan, aking patatahanan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay mangatatayo.

34 At ang lupain na naging sira ay mabubukid, na naging sira sa paningin ng lahat na nangagdaraan.

35 At kanilang sasabihin, Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira at giba at wasak na mga bayan ay nakukutaan at tinatahanan.

36 Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira: akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

37 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bukod dito pa'y pagsasanggunian ako ng sangbahayan ni Israel, upang gawin sa kanila; ako'y magpaparami sa kanila ng tao na parang kawan.

38 Kung paano ang kawan na panghain, kung paano ang kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

   

The Bible

 

2 Samuel 12

Study

   

1 At sinugo ng Panginoon si Nathan kay David. At siya'y naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, May dalawang lalake sa isang bayan; ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

2 Ang mayaman ay mayroon totoong maraming kawan at bakahan:

3 Nguni't ang mahirap ay walang anomang bagay, liban sa isang munting korderong babae, na kaniyang binili at inalagaan: at lumaki sa kaniya, at sa kaniyang mga anak; kumakain ng kaniyang sariling pagkain at umiinom ng kaniyang sariling inumin, at humihiga sa kaniyang sinapupunan, at sa kaniya'y parang isang anak.

4 At naparoon ang isang maglalakbay sa mayaman, at ipinagkait niya ang kaniyang sariling kawan at ang kaniyang sariling bakahan, na ihanda sa naglalakbay na dumating sa kaniya, kundi kinuha ang kordero ng mahirap na lalake, at inihanda sa lalake na dumating sa kaniya.

5 At ang galit ni David ay nagalab na mainam laban sa lalake; at kaniyang sinabi kay Nathan, Buhay ang Panginoon, ang lalake na gumawa nito ay karapatdapat na mamatay:

6 At isinauli ang kordero na may dagdag na apat, sapagka't kaniyang ginawa ang bagay na ito, at sapagka't siya'y hindi naawa.

7 At sinabi ni Nathan kay David, Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;

8 At ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, at ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong sinapupunan, at ibinigay ko sa iyo ang sangbahayan ng Israel at ng Juda; at kung totoong kakaunti pa ito, ay dadagdagan pa kita ng gayong bagay.

9 Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.

10 Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka't iyong niwalan ng kabuluhan ako, at iyong kinuha ang asawa ni Uria na Hetheo upang maging iyong asawa.

11 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sangbahayan, at aking kukunin ang iyong mga asawa sa harap ng iyong mga mata, at aking ipagbibigay sa iyong kapuwa, at kaniyang sisipingan ang iyong mga asawa sa sikat ng araw na ito.

12 Sapagka't iyong ginawa na lihim: nguni't aking gagawin ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.

13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.

15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.

16 Ipinanalangin nga ni David sa Dios ang bata; at si David ay nagaayuno, at pumapasok, at humihiga buong gabi sa lupa.

17 At bumabangon ang mga matanda sa kaniyang bahay, at tumatayo sa siping niya, upang itindig siya sa lupa; nguni't siya'y ayaw kahit kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 At nangyari, nang ikapitong araw, na ang bata ay namatay. At nangatakot ang mga lingkod ni David na saysayin sa kaniya na ang bata ay patay na: sapagka't kanilang sinabi, Narito, samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipagsalitaan sa kaniya, at hindi siya nakinig sa ating tinig: gaano ngang ikababagabag niya kung ating sasabihin sa kaniya na ang bata ay patay na?

19 Nguni't nang makita ni David na ang kaniyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahalata ni David na ang bata ay patay na: at sinabi ni David sa kaniyang mga lingkod, Patay na ba ang bata? At kanilang sinabi, Siya'y patay na.

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, at nagpahid ng langis, at nagbihis ng kaniyang suot; at siya'y naparoon sa bahay ng Panginoon, at sumamba: saka naparoon siya sa kaniyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, hinainan nila ng tinapay siya sa harap, at siya'y kumain.

21 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Anong bagay ito na iyong ginawa? ikaw ay nagaayuno at umiiyak dahil sa bata, samantalang siya'y buhay; nguni't nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.

22 At kaniyang sinabi, Samantalang ang bata'y buhay pa, ako'y nagaayuno at umiiyak: sapagka't aking sinabi, Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, na anopa't ang bata'y mabuhay?

23 Nguni't ngayo'y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y paroroon sa kaniya, nguni't siya'y hindi babalik sa akin.

24 At inaliw ni David si Bath-sheba na kaniyang asawa, at lumapit sa kaniya, at sumiping sa kaniya: At siya'y nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Salomon. At minahal siya ng Panginoon.

25 At nagsugo siya sa pamamagitan ng kamay ni Nathan na propeta, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jedidiah alang-alang sa Panginoon.

26 Nakipaglaban nga si Joab, sa Rabba sa mga anak ni Ammon, at sinakop ang bayang hari.

27 At nagsugo si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, Ako'y nakipaglaban sa Rabba, oo, aking sinakop ang bayan ng mga bukal ng tubig.

28 Ngayon nga'y pisanin mo ang nalabi sa bayan, at humantong ka laban sa bayan, at sakupin mo: baka aking sakupin ang bayan, at tawagin ayon sa aking pangalan.

29 At pinisan ni David ang buong bayan, at naparoon sa Rabba, at bumaka laban doon, at sinakop.

30 At inalis ang putong ng kanilang hari sa kaniyang ulo: at ang bigat niyaon ay isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato; at ipinutong sa ulo ni David. At siya'y naglabas ng samsam sa bayan na totoong marami.

31 At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at inilagay sa ilalim ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol na bakal, at mga pinaraan sa mga lutuan ng laryo: at gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.