The Bible

 

Ezekiel 27

Study

   

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

2 At ikaw, anak ng tao, panaghuyan mo ang Tiro;

3 At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako'y sakdal sa kagandahan.

4 Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.

5 Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa Senir: sila'y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.

6 Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa mga pulo ng Chittim.

7 Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo'y isang watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng Elisah ang iyong kulandong.

8 Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.

9 Ang mga matanda sa Gebal at ang mga pantas niyao'y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.

10 Ang Persia, ang Lud, at ang Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.

11 Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, ang Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

14 Ang sangbahayan ni Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.

15 Ang mga tao sa Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.

16 Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.

17 Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng balsamo.

18 Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.

20 Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.

21 Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito'y naging mga mangangalakal mo sila.

22 Ang mga mangangalakal sa Seba at sa Raama, mga naging mangangalakal mo; kanilang ipinapalit sa iyong mga kalakal ang mga pinakamainam na especia, at lahat na mahalagang bato, at ang ginto.

23 Ang Haran at ang Canneh at ang Eden, na mga mangangalakal sa Seba, ang Assur at ang Chilmad ay naging mga mangangalakal mo.

24 Ang mga ito ang iyong mga mangangalakal sa mga piling kalakal sa mga balutan ng mga yaring asul at may burda, at sa mga baul na may mainam na hiyas, natatalian ng mga sintas, at yaring cedro, na ilan sa iyong mga kalakal.

25 Ang mga sasakyan sa Tarsis ay iyong mga pulutong sa iyong kalakal: at ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat.

26 Dinala ka ng iyong mga manggagaod sa malawak na dagat: binagbag ka ng hanging silanganan sa kalagitnaan ng dagat.

27 Ang iyong kayamanan, at ang iyong mga kalakal, ang iyong tinda, at ang iyong mga manggagaod, at ang iyong mga tagaugit, ang iyong mga tagapagpasak, at ang nagsisipamahala ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong lalaking mangdidigma na nangasa iyo, sangpu ng iyong lahat na pulutong na nangasa gitna mo, mangalulubog sa kalagitnaan ng dagat sa kaarawan ng iyong pagkasira.

28 Sa lakas ng hiyaw ng iyong mga tagaugit, ang mga nayon ay mangayayanig.

29 At lahat na nagsisihawak ng gaod, ang mga tao sa sasakyan, at lahat ng tagaugit sa dagat, ay magsisibaba sa kanilang mga sasakyan; sila'y magsisitayo sa ibabaw ng lupain,

30 At iparirinig ang kanilang tinig sa iyo, at hihiyaw ng kalagimlagim, at mangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, sila'y magsisigumon sa mga abo:

31 At mangagpapakakalbo dahil sa iyo, at mangagbibigkis ng kayong magaspang, at kanilang iiyakan ka ng kapanglawpanglaw sa kalooban, na may mapanglaw na pananangis.

32 At sa kanilang pagtangis ay pananaghuyan ka nila, at tatangisan ka, na sasabihin, Sino ang gaya ng Tiro na gaya niya na nadala sa katahimikan sa gitna ng dagat?

33 Pagka ang iyong mga kalakal ay inilalabas sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at ng iyong mga kalakal.

34 Sa panahon na ikaw ay bagbag sa tabi ng mga dagat sa kalaliman ng tubig, ang iyong kalakal at ang iyong buong pulutong ay lumubog sa gitna mo.

35 Lahat ng mananahan sa mga pulo ay nangatitigilan dahil sa iyo, at ang kanilang mga hari ay nangatakot ng di kawasa, sila'y nangamanglaw sa kanilang mukha.

36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay naging kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay pa.

   

The Bible

 

Genesis 10

Study

   

1 Ito nga ang sali't saling lahi ng mga anak ni Noe: si Sem, si Cham, at si Japhet: at sila'y nangagkaanak pagkaraan ng bahang gumunaw.

2 Ang mga anak ni Japhet; si Gomer, at si Magog, at si Madai, at si Javan, at si Tubal, at si Meshech, at si Tiras.

3 At ang mga anak ni Gomer: si Azkenaz, at si Rifat, at si Togarma.

4 At ang mga anak ni Javan; si Elisa, at si Tarsis, si Cittim, at si Dodanim.

5 Sa mga ito nangabahagi ang mga pulo ng mga bansa, sa kanilang mga lupain, na bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang wika; ayon sa kanikanilang angkan, sa kanikanilang bansa.

6 At ang mga anak ni Cham; si Cush, at si Mizraim, at si Phut, at si Canaan.

7 At ang mga anak ni Cush; si Seba, at si Havila, at si Sabta, at si Raama, at si Sabtech: at ang mga anak ni Raama; si Sheba, at si Dedan.

8 At naging anak ni Cush si Nimrod: siyang napasimulang maging makapangyarihan sa lupa.

9 Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon kaya't karaniwang sabihin: Gaya ni Nimrod, na makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon.

10 At ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel, at ang Erech, at ang Accad, at ang Calneh, sa lupain ng Shinar.

11 Buhat sa lupaing yaon ay napasa Asiria at itinayo ang Ninive, at ang Rehobotir, at ang Calah,

12 At ang Ressen, sa pagitan ng Ninive at ng Calah (na siyang malaking bayan).

13 At naging anak ni Mizraim si Ludim, at si Anamim, at si Lehabim, at si Naphtuhim.

14 At si Pathrusim, at si Casluim (na siyang pinagbuhatan ng mga Filisteo), at ang Caphtorim.

15 At naging anak ni Canaan si Sidon, na kaniyang panganay, at si Heth.

16 At ang Jebuseo, at ang Amorrheo, at ang Gergeseo;

17 At ang Heveo, at ang Araceo, at ang Sineo.

18 At ang Aradio, at ang Samareo at ang Amatheo: at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo.

19 At ang hangganan ng Cananeo ay mula sa Sidon, kung patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza; kung patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboim hanggang Lasa.

20 Ito ang mga anak ni Cham, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang mga lupain, sa kanilang mga bansa.

21 At nagkaroon din naman ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Heber, na siya ring lalong matandang kapatid ni Japhet.

22 Ang mga anak ni Sem; si Elam, at si Assur, at si Arphaxad, at si Lud, at si Aram.

23 At ang mga anak ni Aram: si Uz, at si Hul, at si Gether, at si Mas.

24 At naging anak ni Arphaxad si Sala; at naging anak ni Sala si Heber.

25 At nagkaanak si Heber ng dalawang lalake; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagka't sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Joctan.

26 At naging anak ni Joctan si Almodad, at si Sheleph, at si Hazarmavet, at si Jerah;

27 At si Hadoram, at si Uzal, at si Dicla.

28 At si Obal, at si Abimael, at si Sheba.

29 At si Ophir, at si Havila, at si Jobad: lahat ng ito ay mga naging anak ni Joctan.

30 At ang naging tahanan nila ay mula sa Mesa, kung patungo sa Sephar, na siyang bundok sa silanganan.

31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang lupain, ayon sa kanikanilang bansa.

32 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanikanilang lahi, sa kanikanilang bansa: at sa mga ito nangabahagi ang mga bansa pagkatapos ng bahang gumunaw.