Nehemias 8

Study

   

1 At ang buong bayan ay nagpipisan na parang isang lalake sa luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig; at sila'y nangagsalita kay Ezra na kalihim, na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises, na iniutos ng Panginoon sa Israel.

2 At dinala ni Ezra na saserdote ang aklat ng kautusan sa harap ng kapisanan, na mga lalake at mga babae, at lahat na makadidinig na may kaalaman nang unang araw ng ikapitong buwan.

3 At binasa niya roon sa harap ng luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig, mula sa madaling araw hanggang sa katanghaliang tapat sa harapan ng mga lalake at mga babae, at ng makakaalam: at ang mga pakinig ng buong bayan ay nakikinig sa aklat ng kautusan.

4 At si Ezra na kalihim ay tumayo sa pulpitong kahoy, na kanilang ginawa sa panukalang ito; at sa tabi niya ay nakatayo si Mathithias, at si Sema, at si Anaias, at si Urias, at si Hilcias, at si Maasias, sa kaniyang kanan; at sa kaniyang kaliwa, si Pedaias, at si Misael, at si Malchias, at si Hasum, at si Hasbedana, si Zacharias, at si Mesullam.

5 At binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagka't siya'y nasa mataas sa buong bayan;) at nang kaniyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:

6 At si Ezra ay pumuri sa Panginoon, na dakilang Dios. At ang buong bayan ay sumagot: Siya nawa, Siya nawa, na may pagtataas ng kanilang mga kamay: at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo, at nagsisamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.

7 Si Jesua naman, at si Bani, at si Serebias, at si Jamin, si Accub, si Sabethai, si Odias, si Maasias, si Celita, si Azarias, si Jozabed, si Hanan, si Pelaia, at ang mga Levita, ay nangagpakilala sa bayan ng kautusan; at ang bayan ay nakatayo sa kanilang dako.

8 At sila'y nagsibasa sa aklat, sa kautusan ng Dios, na maliwanag; at kanilang ibinigay ang kahulugan, na anopa't kanilang nabatid ang binasa.

9 At si Nehemias na siyang tagapamahala, at si Ezra na saserdote na kalihim, at ang mga Levita na nangagturo sa bayan, ay nangagsabi sa buong bayan: Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Dios; huwag kayong magsitaghoy, ni magsiiyak man. Sapagka't ang buong bayan ay umiyak, nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.

10 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi sa kanila, Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis; at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagka't ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong mangamanglaw; sapagka't ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan.

11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, Kayo'y magsitahimik, sapagka't ang kaarawan ay banal; ni huwag man kayong mamanglaw.

12 At ang buong bayan ay yumaon ng kanilang lakad na nagsikain at nagsiinom at nangagpadala ng mga bahagi, at nangagsayang mainam sapagka't kanilang nabatid ang mga salita na ipinahayag sa kanila.

13 At nang ikalawang araw ay nagpipisan ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng buong bayan, ang mga saserdote, at ang mga Levita, kay Ezra na kalihim, upang makinig sa mga salita ng kautusan.

14 At kanilang nasumpungang nakasulat sa kautusan, kung paanong iniutos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises, na ang mga anak ni Israel ay magsitahan sa mga balag sa kapistahan ng ikapitong buwan:

15 At kanilang ihahayag at itatanyag sa lahat ng kanilang mga bayan, at sa Jerusalem, na sasabihin: Magsilabas kayo sa bundok, at magsikuha kayo ng mga sanga ng olibo, at ng mga sanga ng olibong gubat, at ng mga sanga ng mirto, at mga sanga ng palma, at mga sanga ng mga mayabong na punong kahoy, upang magsigawa ng mga balag, gaya ng nakasulat.

16 Sa gayo'y lumabas ang bayan, at nangagdala sila, at nagsigawa ng mga balag, bawa't isa'y sa bubungan ng kaniyang bahay, at sa kanilang mga looban, at sa mga looban ng bahay ng Dios, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng tubig, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng Ephraim.

17 At ang buong kapisanan nila na bumalik na mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga balag, at tumahan sa mga balag: sapagka't mula ng mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na yaon ay hindi nagsigawa ang mga anak ni Israel ng gayon. At nagkaroon ng totoong malaking kasayahan.

18 Gayon din naman araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, kaniyang binasa ang aklat ng kautusan ng Dios. At kanilang ipinagdiwang ang kapistahan na pitong araw; at sa ikawalong araw ay takdang kapulungan, ayon sa ayos.