Библијата

 

Ezekiel 44

Студија

   

1 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito'y nasara.

2 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka't pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya't ito'y masasara.

3 Tungkol sa prinsipe, siya'y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.

4 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako'y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.

5 At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa't labasan sa santuario.

6 At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga'y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,

7 Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga'y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.

8 At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo'y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.

9 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.

10 Nguni't ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.

11 Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.

12 Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.

13 At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.

14 Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.

15 Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:

16 Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.

17 At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.

18 Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.

19 At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.

20 Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.

21 Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.

22 Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.

23 At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.

24 At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.

25 At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.

26 At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.

27 At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.

28 At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.

29 Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.

30 At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa't bagay, at lahat na alay na bawa't bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.

31 Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.

   

Библијата

 

2 Mga Cronica 30

Студија

   

1 At si Ezechias ay nagsugo sa buong Israel at Juda, at sumulat ng mga liham naman sa Ephraim at Manases, na sila'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

2 Sapagka't ang hari ay nakipagsanggunian, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong kapisanan sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa ikalawang buwan.

3 Sapagka't hindi nila maipangilin sa panahong yaon, sapagka't ang mga saserdote ay hindi nangagpakabanal sa sukat na bilang, ni nagsipisan man ang bayan sa Jerusalem.

4 At ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng hari at sa buong kapisanan.

5 Sa gayo'y itinatag nila ang pasiya upang magtanyag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na sila'y magsisiparoon na ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel, sa Jerusalem: sapagka't hindi nila ipinagdiwang sa malaking bilang sa gayong paraan na gaya ng nakasulat.

6 Sa gayo'y ang mga mangdadala ng sulat ay nagsiyaong dala ang sulat na mula sa hari at sa kaniyang mga prinsipe sa buong Israel at Juda, at ayon sa utos ng hari, na sinasabi, Kayong mga anak ni Israel manumbalik kayo sa Panginoon, sa Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, upang siya'y manumbalik sa nalabi na nakatanan sa inyo na mula sa kamay ng mga hari sa Asiria.

7 At kayo'y huwag maging gaya ng inyong mga magulang, at gaya ng inyong mga kapatid, na nagsisalangsang laban sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, na anopa't ibinigay niya sila sa pagkapahamak, gaya ng inyong nakikita.

8 Ngayo'y huwag kayong maging mapagmatigas na ulo, na gaya ng inyong mga magulang; kundi magsitalaga kayo sa Panginoon, at magsipasok sa kaniyang santuario, na kaniyang itinalaga magpakailan man at kayo'y mangaglingkod sa Panginoon ninyong Dios, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa inyo.

9 Sapagka't kung kayo'y manumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay mangagkakasumpong ng habag sa harap nilang nagsibihag, at magsisibalik sa lupaing ito: sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay mapagbiyaya at maawain, at hindi itatalikod ang kaniyang mukha sa inyo, kung kayo'y manumbalik sa kaniya.

10 Sa gayo'y ang mangdadala ng sulat ay nagdaan sa bayan at bayan sa lupain ng Ephraim at Manases hanggang sa Zabulon: nguni't sila'y tinatawanang mainam, at tinutuya sila.

11 Gayon ma'y ang iba sa Aser, at sa Manases, at sa Zabulon ay nangagpakumbaba, at nagsiparoon sa Jerusalem.

12 Suma Juda naman ang kamay ng Dios upang papagisahing puso sila upang gawin ang utos ng hari at ng mga prinsipe sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

13 At nagpupulong sa Jerusalem ang maraming tao upang ipagdiwang ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa ikalawang buwan, na isang totoong malaking kapisanan.

14 At sila'y nagsitindig at inalis ang mga dambana na nangasa Jerusalem, at ang lahat na dambana na ukol sa kamangyan ay inalis nila, at kanilang inihagis sa batis ng Cedron.

15 Nang magkagayo'y kanilang pinatay ang kordero ng paskua nang ikalabing apat ng ikalawang buwan: at ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangapahiya, at nangagpakabanal, at nangagdala ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon.

16 At sila'y nagsitayo sa kanilang dako ayon sa kanilang ayos, ayon sa kautusan ni Moises na lalake ng Dios: iniwisik ng mga saserdote ang dugo, na kanilang tinanggap sa kamay ng mga Levita.

17 Sapagka't marami sa kapisanan na hindi nangagpakabanal; kaya't ang mga Levita ang may katungkulan ng pagpatay sa kordero ng paskua na ukol sa bawa't isa na hindi malinis, upang mga italaga sa Panginoon.

18 Sapagka't isang karamihan sa bayan, sa makatuwid baga'y marami sa Ephraim at sa Manases, sa Issachar, at sa Zabulon, ay hindi nangagpakalinis, gayon ma'y nagsikain sila ng kordero ng paskua na hindi gaya ng nasusulat. Sapagka't idinalangin sila ni Ezechias, na sinasabi, Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawa't isa.

19 Na naglalagak ng kaniyang puso upang hanapin ang Dios, ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, bagaman hindi siya nalinis ng ayon sa paglilinis sa santuario.

20 At dininig ng Panginoon si Ezechias, at pinagaling ang bayan.

21 At ang mga anak ni Israel na nakaharap sa Jerusalem ay nagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw, na may malaking kasayahan: at ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog sa Panginoon.

22 At si Ezechias ay nagsalitang may kagandahang loob sa lahat na Levita sa mga matalino sa paglilingkod sa Panginoon. Sa gayo'y nagsikain sila sa buong kapistahan sa loob ng pitong araw, na nangaghahandog ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at nangagpahayag ng kasalanan sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

23 At ang buong kapisanan ay nagsanggunian upang magdiwang ng ibang pitong araw: at sila'y nangagdiwang ng ibang pitong araw na may kasayahan.

24 Sapagka't si Ezechias na hari sa Juda ay nagbigay sa kapisanan ng pinakahandog na isang libong baka at pitong libong tupa; at ang mga prinsipe ay nangagbigay sa kapisanan ng isang libong baka at sangpung libong tupa; at lubhang maraming bilang ng mga saserdote ay nangagpakabanal.

25 At ang buong kapisanan ng Juda, pati ng mga saserdote at mga Levita, at ang buong kapisanan na lumabas sa Israel, at ang mga taga ibang lupa na nagsilabas sa lupain ng Israel, at nagsitahan sa Juda, ay nangagalak.

26 Sa gayo'y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagka't mula sa panahon ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.

27 Nang magkagayo'y ang mga saserdote na mga Levita ay nagsitindig at binasbasan ang bayan: at ang kanilang tinig ay narinig, at ang kanilang dalangin ay umilanglang sa kaniyang banal na tahanan, hanggang sa langit.