Ang Bibliya

 

Jeremias 39

pag-aaral

   

1 At nangyari nang masakop ang Jerusalem, (nang ikasiyam na taon ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikasangpung buwan, dumating si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang kaniyang buong hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob;

2 Nang ikalabing isang taon ni Sedechias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, isang sira ay nagawa sa bayan),

3 Na ang lahat ng mga prinsipe ng hari sa Babilonia, ay nagsipasok, at nagsiupo sa gitnang pintuang-bayan, si Nergal-sarezer, si Samgar-nebo, si Sarsechim, si Rabsaris, si Nergal-sarezer, si Rab-mag, sangpu ng nalabi sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia.

4 At nangyari, na nang makita sila ni Sedechias na hari, sa Juda at ng lahat na lalaking mangdidigma, ay nagsitakas nga sila, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng halamanan ng hari, sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta; at siya'y lumabas sa daan ng Araba.

5 Nguni't hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico: at nang kanilang mahuli siya, isinampa nila siya kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath, at kaniyang nilapatan siya ng kahatulan.

6 Nang magkagayo'y pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata; pinatay rin ng hari sa Babilonia ang lahat na mahal na tao sa Juda.

7 Bukod dito'y kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias, at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia.

8 At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem.

9 Nang magkagayo'y dinalang bihag sa Babilonia ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, gayon din ang nagsilipat na nagsikampi sa kaniya, at ang nalabi sa bayan na naiwan.

10 Nguni't iniwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, na walang tinatangkilik sa lupain ng Juda, at binigyan sila ng mga ubasan at ng mga bukid sa panahon ding yaon.

11 Si Nabucodonosor nga na hari sa Babilonia ay nagbilin kay Nabuzaradan na kapitan ng bantay ng tungkol kay Jeremias, na sinasabi;

12 Kunin mo siya, at ingatan mo siyang mabuti, at huwag mo siyang saktan; kundi gawin mo sa kaniya ang kaniyang sasabihin sa iyo.

13 Sa gayo'y nagsugo si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at si Nabusazban, si Rab-saris, at si Nergal-sareser, si Rab-mag, at lahat ng punong oficial ng hari sa Babilonia;

14 Sila'y nangagsugo, at kinuha si Jeremias sa looban ng bantay, at kanilang ipinagbilin siya kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na kaniyang iuwi siya. Sa gayo'y tumahan siya sa gitna ng bayan.

15 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, samantalang siya'y nakukulong sa looban ng bantay, na nagsasabi,

16 Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Ebed-melec na taga Etiopia, na magsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang aking salita sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at mangatutupad sa harap mo sa araw na yaon.

17 Nguni't ililigtas kita sa araw na yaon, sabi ng Panginoon; at hindi ka mabibigay sa kamay ng mga lalake na iyong kinatatakutan.

18 Sapagka't tunay na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi ang iyong buhay ay magiging pinakasamsam sa iyo; sapagka't iyong inilagak ang iyong tiwala sa akin, sabi ng Panginoon.

   

Ang Bibliya

 

Ezekiel 24

pag-aaral

   

1 Muli, nang ikasiyam na taon, nang ikasangpung araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, isulat mo ang pangalan ng kaarawan, ang kaarawan ding ito: ang hari sa Babilonia ay nagpakalapit sa Jerusalem sa kaarawan ding ito.

3 At ipagsabi mo ng isang talinhaga ang mapanghimagsik na sangbahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Magsalang ka ng kaldera, isalang mo, at buhusan mo rin naman ng tubig:

4 Pisanin mo ang mga putol niyaon doon, lahat ng mabuting putol, ang hita, at ang balikat; punuin mo ng mga piling buto.

5 Kumuha ka ng pinili sa kawan, at ibunton mo ang mga buto sa ilalim niyaon: pakuluan mong mabuti; oo, lutuin mo ang mga buto sa loob niyaon.

6 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mabagsik na bayan, ng kaldera na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! ilabas mo na putolputol; walang sapalaran na ginawa roon.

7 Sapagka't ang dugo niya ay nasa gitna niya; kaniyang inilagay sa luwal na bato; hindi niya ibinuhos sa lupa, na tabunan ng alabok.

8 Upang pukawin ang kapusukan ng manghihiganti, inilagay ko ang kaniyang dugo sa luwal na bato, upang huwag matakpan.

9 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Sa aba ng mabagsik na bayan! akin ding palalakihin ang bunton.

10 Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, palaputin ang sabaw, at sunugin ang mga buto.

11 Kung magkagayo'y ipatong mong walang laman sa mga baga niyaon, upang uminit, at ang tanso niyao'y masunog, at ng ang dumi niyaon ay matunaw roon, upang mapugnaw ang kalawang niyaon.

12 Siya'y nagpakapagod sa paggawa; gayon ma'y ang maraming kalawang ay hindi naaalis; ang kalawang niyaon ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.

13 Nasa iyong karumihan ang kahalayan: sapagka't ikaw ay aking nilinis at hindi ka nalinis, hindi ka na malilinis pa sa iyong karumihan, hanggang sa aking malubos ang aking kapusukan sa iyo.

14 Akong Panginoon ang nagsalita: mangyayari, at aking gagawin; hindi ako magbabalik-loob, ni magpapatawad man, ni magsisisi man; ayon sa iyong mga lakad, at ayon sa iyong mga gawa, kanilang hahatulan ka, sabi ng Panginoong Dios.

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na nagsasabi,

16 Anak ng tao, narito, aalisin ko sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang nasa ng iyong mga mata: gayon ma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.

17 Magbuntong-hininga ka, nguni't huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay; itali mo ang pugong mo sa ulo, at isuot mo ang iyong mga panyapak sa iyong mga paa, at huwag mong takpan ang iyong mga labi, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.

18 Sa gayo'y nagsalita ako sa bayan nang kinaumagahan; at sa kinahapunan ay namatay ang aking asawa; at aking ginawa nang kinaumagahan ang gaya ng iniutos sa akin.

19 At sinabi ng bayan sa akin, Hindi mo baga sasaysayin sa amin kung anong mga bagay ito sa amin, na ikaw ay gumagawa ng ganyan?

20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

21 Salitain mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuario, na kapalaluan ng inyong kapangyarihan, na nasa ng inyong mga mata, at kinahihinayangan ng inyong kalooban, at ang inyong mga anak na lalake at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak.

22 At inyong gagawin ang aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga labi, o kakain man ng tinapay ng mga tao.

23 At ang inyong turbante ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga panyapak sa inyong mga paa: kayo'y hindi tatangis o iiyak man; kundi kayo'y manganglulupaypay sa inyong mga kasamaan, at mangagdadaingang isa't isa.

24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin: pagka ito'y nangyari ay inyo ngang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

25 At ikaw, anak ng tao, hindi baga mangyayari sa araw na aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kagalakan ng kanilang kaluwalhatian, ang nasa ng kanilang mga mata, at ang kanilang pinaglalagakan ng kanilang puso, ang kanilang mga anak na lalake at babae,

26 Na sa araw na yaon ang makatatanan ay paroroon sa iyo, upang iparinig sa iyo ng iyong mga pakinig?

27 Sa araw na yaon ay mabubuka ang iyong bibig sa kaniya na nakatanan, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa: gayon magiging isang tanda ka sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.