聖書

 

Deuteronomio 5

勉強

   

1 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.

2 Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

3 Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.

4 Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy

5 (Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,

6 Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

7 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.

8 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

9 Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka't akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;

10 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

11 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

12 Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

13 Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:

14 Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo.

15 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath.

16 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

17 Huwag kang papatay.

18 Ni mangangalunya.

19 Ni magnanakaw.

20 Ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa.

21 Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa, ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

22 Ang mga salitang ito ay sinalita ng Panginoon sa buong kapisanan ninyo sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa salisalimuot na kadiliman, ng malakas na tinig: at hindi na niya dinagdagan pa. At kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay sa akin.

23 At nangyari, nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy, ay lumapit kayo sa akin, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga pangulo sa inyong mga lipi, at ang inyong mga matanda;

24 At inyong sinabi, Narito, ipinakita sa amin ng Panginoon nating Dios ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang kadakilaan, at aming narinig ang kaniyang tinig mula sa gitna ng apoy: aming nakita sa araw na ito, na ang Dios ay nakikipag-usap sa tao, at siya'y buhay.

25 Ngayon nga, bakit kami mamamatay? sapagka't pupugnawin kami ng dakilang apoy na ito: kung marinig pa namin ang tinig ng Panginoon nating Dios, ay mamamatay nga kami.

26 Sapagka't sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Dios na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay?

27 Lumapit ka, at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Dios: at iyong salitain sa amin, yaong lahat na sasalitain sa iyo ng Panginoon nating Dios; at aming didinggin, at gagawin.

28 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, nang kayo'y magsalita sa akin; at sinabi ng Panginoon sa akin, Aking narinig ang tinig ng mga salita ng bayang ito, na kanilang sinalita sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinalita.

29 Oh mamalagi nawa sa kanila ang kaloobang ito, na sila'y matakot sa akin, at kanilang ingatan kailan man ang lahat ng aking mga utos upang ikabuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailan man!

30 Yumaon ka, sabihin mo sa kanila, Magsibalik kayo sa inyong mga tolda.

31 Nguni't tungkol sa iyo, matira ka rito sa akin, at aking sasalitain sa iyo ang lahat ng utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iyong ituturo sa kanila, upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang ariin.

32 Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

33 Kayo'y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, upang kayo'y mabuhay, at upang ikabuti ninyo, at upang inyong mapalawig ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.

   

聖書

 

Ezekiel 20

勉強

   

1 At nangyari nang ikapitong taon, nang ikalimang buwan, nang ikasangpu ng buwan, na ang ilan sa mga matanda ng Israel ay nagsiparoon na sumangguni sa Panginoon, at nagsiupo sa harap ko.

2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

3 Anak ng tao, salitain mo sa mga matanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo baga'y naparito upang sumangguni sa akin? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ako mapagsasanggunian ninyo.

4 Hahatulan mo baga sila, anak ng tao, hahatulan mo baga sila? Ipakilala mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga magulang;

5 At sabihin mo sa kanila; Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na aking piliin ang Israel, at itaas ko ang aking kamay sa lahi ng sangbahayan ni Jacob, at pakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto, na iginawad ko ang aking kamay sa kanila na sinabi, Ako ang Panginoon ninyong Dios;

6 Nang araw na yaon ay iginawad ko ang aking kamay sa kanila, upang ilabas ko sila sa lupain ng Egipto, na dalhin sa lupain na aking itinaan sa kanila na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain.

7 At sinabi ko sa kanila, Itakuwil ng bawa't isa sa inyo ang mga bagay na kasuklamsuklam sa kaniyang mga mata, at huwag kayong mangahawa sa mga diosdiosan ng Egipto; ako ang Panginoon ninyong Dios.

8 Nguni't sila'y nanghimagsik laban sa akin, at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawa't isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga mata, o nilimot man nila ang mga diosdiosan sa Egipto. Nang magkagayo'y sinabi kong aking ibubuhos sa kanila ang aking kapusukan, upang ganapin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Egipto.

9 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto.

10 Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang.

11 At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon.

12 Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

13 Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.

14 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.

15 Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;

16 Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.

17 Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.

18 At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan:

19 Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa;

20 At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.

21 Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang.

22 Gayon ma'y iniurong ko ang aking kamay, gumawa ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay inilabas ko sila.

23 Bukod dito'y itinaas ko ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang pangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at panabugin sila sa mga lupain;

24 Sapagka't hindi nila isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi itinakuwil ang aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakasunod sa mga diosdiosan ng kanilang mga magulang.

25 Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga palatuntunan na hindi mabuti, at ng mga kahatulan na hindi nila kabubuhayan;

26 At ipinariwara ko sila sa kanilang sariling mga kaloob, sa kanilang pagpaparaan sa apoy ng lahat na nangagbubukas ng bahay-bata, upang aking ipahamak sila, upang kanilang maalaman na ako ang Panginoon.

27 Kaya't, anak ng tao, salitain mo sa sangbahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa ganito ma'y nilapastangan ako ng inyong mga magulang, sa kanilang pagsalangsang laban sa akin.

28 Sapagka't nang dalhin ko sila sa lupain, na aking pinaggawaran ng aking kamay upang ibigay ko sa kanila, kanila ngang nakita ang lahat na mataas na burol, at lahat na mayabong na punong kahoy, at inihandog nila roon ang kanilang mga hain, at doo'y kanilang iniharap ang nakagagalit nilang handog; nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.

29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Anong kahulugan ng mataas na dako na inyong pinaroroonan? Sa gayo'y ang pangalan niyaon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.

30 Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nangagpakarumi baga kayo ng ayon sa paraan ng inyong mga magulang? at kayo baga'y nagpatutot ng ayon sa kanilang mga kasuklamsuklam?

31 At pagka inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, pagka, inyong pinararaan sa apoy ang inyong mga anak, nangagpapakarumi baga kayo sa lahat ninyong diosdiosan hanggang sa araw na ito? at ako baga'y mapagsasanggunian ninyo, Oh sangbahayan ni Israel? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ninyo ako mapagsasanggunian;

32 At ang nagmumula sa inyong pagiisip ay hindi mangyayari sa anomang paraan, sa inyong sinasabi, Kami ay magiging gaya ng mga bansa; na gaya ng mga angkan ng mga lupain upang mangaglingkod sa kahoy at bato.

33 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsalang sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubugso, ay maghahari ako sa inyo.

34 At ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at pipisanin ko kayo na mula sa mga lupain, na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubuhos;

35 At aking dadalhin kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y makikipagkatuwiranan ako sa inyo ng harapan.

36 Kung paanong ako'y nakipagkatuwiranan sa inyong mga magulang sa ilang ng lupain ng Egipto, gayon ako makikipagkatuwiranan sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.

37 At pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo ng tipan;

38 At aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapanghimagsik, at ang mga nagsisisalangsang laban sa akin; aking ilalabas sila sa lupaing kanilang pinangingibahang bayan, nguni't hindi sila magsisipasok sa lupain ng Israel: at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

39 Tungkol sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; magsiyaon kayo, maglingkod bawa't isa sa kaniyang mga diosdiosan, at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako didinggin; nguni't ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diosdiosan.

40 Sapagka't sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, doon ako paglilingkuran sa lupain ng buong sangbahayan ni Israel, nilang lahat: doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga unang bunga na inyong mga alay, sangpu ng lahat ninyong banal na bagay.

41 Parang masarap na amoy na tatanggapin ko kayo, pagka kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at napisan ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan; at ako'y ipaari ninyong banal sa paningin ng mga bansa.

42 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka kayo'y aking ipapasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking pinagtaasan ng aking kamay upang ibigay sa inyong mga magulang.

43 At doo'y maaalaala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong gawa, na inyong pinagpakadumhan; at inyong kayayamutan ang inyong sarili sa inyong sariling paningin dahil sa lahat ninyong kasamaan na inyong ginawa.

44 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nakagawa na sa inyo alangalang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong mga masamang lakad, o ayon sa inyong mga masamang gawa man, Oh ninyong sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.

45 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

46 Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa dakong timugan, at magbadya ka ng iyong salita sa dakong timugan, at manghula ka laban sa gubat ng parang sa Timugan;

47 At sabihin mo sa gubat ng Timugan, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking papagniningasin ang isang apoy sa iyo, at susupukin ang bawa't sariwang punong kahoy sa iyo, at ang bawa't tuyong punong kahoy: ang maalab na liyab at hindi mapapatay, at ang lahat na mukha na mula sa timugan hanggang sa hilagaan ay masusunog sa liyab.

48 At malalaman ng lahat ng tao na akong Panginoon ang nagpaalab niyaon; hindi mapapatay.

49 Nang magkagayo'y sinabi ko: Ah Panginoong Dios! sinasabi nila sa akin, Hindi baga siya'y mapagsalita ng mga talinghaga?