ბიბლია

 

Habakkuk 2

Სწავლა

   

1 Ako'y tatayo sa aking bantayan, at lalagay ako sa moog, at tatanaw upang maalaman ko kung ano ang kaniyang sasalitain sa akin, at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing.

2 At ang Panginoon ay sumagot sa akin, at nagsabi, Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato upang makatakbo ang bumabasa niyaon.

3 Sapagka't ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagka't walang pagsalang darating, hindi magtatagal.

4 Narito, ang kaniyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kaniya; nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya.

5 Oo, bukod dito'y ang alak ay magdaraya, isang taong hambog, at hindi natitira sa bahay; na lumaki ang kaniyang nasa na parang Sheol, at siya'y parang kamatayan, at hindi masisiyahan, kundi pinipisan sa kaniya ang lahat na bansa, at ibinubunton sa kaniya ang lahat na bayan.

6 Hindi baga ang lahat ng ito ay magbabadya ng talinhaga laban sa kaniya, at ng nakagagalit na kawikaan laban sa kaniya, at mangagsasabi, Sa aba niya na nagpaparami ng di kaniya! hanggang kailan? at nagpapasan siya sa kaniyang sarili ng mga sangla!

7 Hindi baga sila mangagtitindig, na bigla na kakagat sa iyo, at magsisigising na babagabag sa iyo, at ikaw ay magiging samsam sa kanila?

8 Dahil sa iyong sinamsaman ang maraming bansa, lahat ng nalabi sa mga tao ay magsisisamsam sa iyo, dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa karahasang ginawa sa lupain, sa bayan at sa lahat ng nagsisitahan doon.

9 Sa aba niya na nagiimpok ng masamang pakinabang para sa kaniyang sangbahayan, upang kaniyang mailagay ang pugad niya sa itaas, upang siya'y maligtas sa kamay ng kasamaan!

10 Ikaw ay naghaka ng ikahihiya ng iyong sangbahayan, sa paghihiwalay ng maraming tao, at ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili.

11 Sapagka't ang bato ay dadaing mula sa pader, at ang tahilan mula sa mga kahoy ay sasagot.

12 Sa aba niya na nagtatayo ng bayan sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!

13 Narito, hindi baga dahil sa Panginoon ng mga hukbo na ang mga tao ay nagsisigawa para sa apoy, at ang mga bansa ay nangagpapakapagod sa walang kabuluhan?

14 Sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon, gaya ng pagtakip ng tubig sa dagat.

15 Sa aba niya na nagpapainom ng alak sa kaniyang kapuwa, na idinadagdag mo ang iyong kamandag, at nilalasing mo rin naman siya, upang iyong mamasdan ang kaniyang kahubaran!

16 Ikaw ay puno ng kahihiyan, at hindi ng kaluwalhatian: uminom ka naman, at maging gaya ng isang hindi tuli; ang saro ng kanan ng Panginoon ay mababalik sa iyo, at kasuklamsuklam na kahihiyan ang mahahalili sa iyong kaluwalhatian.

17 Sapagka't ang pangdadahas na ginawa sa Libano ay tatakip sa iyo, at ang panggigiba sa mga hayop na nakatakot sa kanila; dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa pangdadahas na ginawa sa lupain, sa bayan, at sa lahat na nagsisitahan doon.

18 Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao'y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan?

19 Sa aba niya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka; sa piping bato, Bumangon ka! Magtuturo baga ito? Narito, nababalot ng ginto at pilak, at walang hinga sa loob niyaon.

20 Nguni't ang Panginoo'y nasa kaniyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya.

   

ბიბლია

 

Panaghoy 3

Სწავლა

   

1 Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.

2 Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.

3 Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.

4 Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.

5 Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.

6 Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.

7 Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.

8 Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.

9 Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.

10 Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.

11 Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;

12 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.

13 Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.

14 Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.

15 Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.

16 Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.

17 At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.

18 At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.

19 Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.

20 Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.

21 Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.

22 Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.

23 Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.

24 Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.

26 Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.

27 Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.

28 Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.

29 Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.

30 Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.

31 Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.

32 Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.

33 Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.

34 Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.

35 Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,

36 Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.

37 Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?

38 Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?

39 Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?

40 Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.

41 Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.

42 Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.

43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.

44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.

45 Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.

46 Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.

47 Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.

48 Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.

49 Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.

50 Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.

51 Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.

52 Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.

53 Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.

54 Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.

55 Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.

56 Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.

57 Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.

58 Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.

59 Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.

60 Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.

61 Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,

62 Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.

63 Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.

64 Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

65 Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.

66 Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.