Bible

 

Numero 25

Studie

   

1 At ang Israel ay tumahan sa Sittim, at ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab:

2 Sapagka't kanilang tinawag ang bayan sa mga hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios.

3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.

4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.

5 At sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, Patayin ng bawa't isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.

6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila'y umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

7 At nang makita ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay;

8 At siya'y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay natigil sa mga anak ni Israel.

9 At yaong nangamatay sa salot ay dalawang pu't apat na libo.

10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

11 Pinawi ni Phinees na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nagsikap dahil sa aking pagsisikap sa kanila, na anopa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking sikap.

12 Kaya't sabihin mo, Narito, ako'y nakikipagtipan sa kaniya tungkol sa kapayapaan:

13 At magiging kaniya, at sa kaniyang binhi pagkamatay niya, ang tipan ng pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagka't siya'y nagsikap sa kaniyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.

14 Ang pangalan nga ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kalakip ng babaing Madianita ay Zimri na anak ni Salu, na prinsipe sa isang sangbahayan ng mga magulang sa mga Simeonita.

15 At ang pangalan ng babaing Madianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y prinsipe sa bayan ng isang sangbahayan ng mga magulang sa Madian.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Bagabagin ninyo ang mga Madianita, at inyong saktan sila:

18 Sapagka't kanilang binagabag kayo ng kanilang mga lalang na kanilang ipinangdaya sa inyo sa bagay ng Peor, at sa bagay ni Cozbi, na anak na babae ng prinsipe sa Madian, na kanilang kapatid na namatay nang kaarawan ng salot dahil sa Peor.

   

Bible

 

1 Mga Taga-Corinto 10

Studie

   

1 Sapagka't hindi ko ibig mga kapatid, na di ninyo maalaman, na ang ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat;

2 At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat;

3 At lahat ay nagsikain ng isang pagkain ding ayon sa espiritu;

4 At lahat ay nagsiinom ng isang inumin ding ayon sa espiritu; sapagka't nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo.

5 Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Dios; sapagka't sila'y ibinuwal sa ilang.

6 Ang mga bagay na ito nga'y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagsipagnasa.

7 Ni huwag din naman kayong mapagsamba sa mga diosdiosan, gaya niyaong ilan sa kanila; ayon sa nasusulat, Naupo ang bayan upang magsikain at magsiinom, at nagsitindig upang magsipagsayaw.

8 Ni huwag din naman tayong makiapid, na gaya ng ilan sa kanila na nangakiapid, at ang nangabuwal sa isang araw ay dalawangpu at tatlong libo.

9 Ni huwag din naman nating tuksuhin ang Panginoon, na gaya ng pagkatukso ng ilan sa kanila, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga ahas.

10 Ni huwag din kayong mangagbulongbulungan, na gaya ng ilan sa kanila na nangagbulungan, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga mangwawasak.

11 Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.

12 Kaya't ang may akalang siya'y nakatayo, magingat na baka mabuwal.

13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito'y inyong matiis.

14 Kaya, mga minamahal ko, magsitakas kayo sa pagsamba sa diosdiosan.

15 Ako'y nagsasalitang tulad sa marurunong; hatulan ninyo ang sinasabi ko.

16 Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo?

17 Bagaman tayo'y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka't tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.

18 Tingnan ninyo ang Israel na ayon sa laman: ang mga nagsisikain baga ng mga hain ay wala kayang pakikipagkaisa sa dambana?

19 Ano ang aking sinasabi? na ang hain baga sa mga diosdiosan ay may kabuluhan? o ang diosdiosan ay may kabuluhan?

20 Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio.

21 Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon, at ang saro ng mga demonio: kayo'y hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon, at sa dulang ng mga demonio.

22 O minumungkahi baga natin sa paninibugho ang Panginoon? tayo baga'y lalong malakas kay sa kaniya?

23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.

24 Huwag hanapin ninoman ang sa kaniyang sarili, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.

25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi;

26 Sapagka't ang lupa ay sa Panginoon, at ang kabuuan ng naririto.

27 Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi.

28 Datapuwa't kung sa inyo'y may magsabi, Ito'y inihandog na hain, ay huwag ninyong kanin, dahilan doon sa nagpahayag at dahilan sa budhi;

29 Budhi, sinasabi ko, hindi ang inyong sarili, kundi ang sa iba; sapagka't bakit hahatulan ang kalayaan ng budhi ng iba?

30 Kung nakikisalo ako na may pagpapasalamat, bakit ako'y aalipustain ng dahil sa aking ipinagpapasalamat?

31 Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.

32 Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios:

33 Na gaya ko din naman, na sa lahat ng mga bagay ay nagbibigay lugod ako sa lahat ng mga tao, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.