Bible

 

Mga Hukom 19

Studie

   

1 At nangyari nang mga araw na yaon, nang walang hari sa Israel, na may isang Levita na nakikipamayan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Ephraim, na kumuha ng babae mula sa Bethlehem-juda.

2 At ang kaniyang babae ay nagpatutot at iniwan siya na napasa bahay ng kaniyang ama sa Bethlehem-juda, at dumoon sa loob ng apat na buwan.

3 At ang kaniyang asawa ay yumaon at sumunod sa kaniya, upang makiusap na maigi sa kaniya, na ibalik siya, na kasama ang kaniyang bataan, at dalawang magkatuwang na asno: at ipinasok siya ng babae sa bahay ng kaniyang ama: at nang makita siya ng ama ng babae, ay galak na sinalubong siya.

4 At pinigil siya ng kaniyang biyanan, ng ama ng babae; at siya'y tumahang kasama niya na tatlong araw: sa gayo'y sila'y nagkainan at naginuman, at tumuloy roon.

5 At nangyari nang ikaapat na araw, na sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at siya'y bumangon upang yumaon: at sinabi ng ama ng babae sa kaniyang manugang, Palakasin mo muna ang iyong puso ng isang subong tinapay, at pagkatapos ay ipagpatuloy ninyo ang inyong lakad.

6 Sa gayo'y naupo sila, at kumain at uminom silang dalawa: at sinabi ng ama ng babae sa lalake, Isinasamo ko sa iyo na magsaya ka, at magpahinga sa buong gabi, at matuwa ang iyong puso.

7 At ang lalake ay bumangon upang umalis; nguni't pinilit siya ng kaniyang biyanan; at siya'y tumigil uli roon.

8 At siya'y bumangong maaga sa kinaumagahan nang ikalimang araw upang yumaon; at sinabi ng ama ng babae, Isinasamo ko sa iyong palakasin mo muna ang iyong puso, at maghintay ka hanggang sa kumulimlim ang araw; at sila'y kumain, silang dalawa.

9 At nang tumindig ang lalake upang yumaon, siya, at ang kaniyang babae, at ang kaniyang bataan, ay sinabi ng kaniyang biyanan, na ama ng kaniyang babae, sa kaniya, Narito, ngayo'y ang araw ay gumagabi na, isinasamo ko sa inyong magpahinga sa buong gabi: narito, ang araw ay nananaw; tumigil dito, upang ang iyong puso ay sumaya; at bukas ay yumaon kayong maaga sa inyong paglakad, upang makauwi ka.

10 Nguni't hindi na inibig ng lalake na magpahinga roon nang gabing yaon, kundi siya'y tumindig at yumaon at tinapat ang Jebus (na siyang Jerusalem): at may dala siyang dalawang magkatuwang na asno na gayak; ang kaniyang babae ay kasama rin niya.

11 Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay nananaw; at sinabi ng bataan sa kaniyang panginoon, Isinasamo ko sa iyo na halina, at tayo'y lumiko sa bayang ito ng mga Jebuseo, at tumigil dito.

12 At sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya, Hindi tayo liliko sa bayan ng iba, na hindi sa mga anak ni Israel; kundi dadaan tayo sa Gabaa.

13 At sinabi niya sa kaniyang alipin, Halina at tayo'y lumapit sa isa sa mga dakong ito; at tayo'y titigil sa Gabaa o sa Rama.

14 Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad; at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gabaa, na nauukol sa Benjamin.

15 At sila'y lumiko roon, upang pumasok na tumigil sa Gabaa: at sila'y pumasok, at naupo sila sa lansangan ng bayan: sapagka't walang taong magpatuloy sa kanila.

16 At, narito, may umuwing isang matandang lalake na galing sa kaniyang paggawa sa bukid sa paglubog ng araw; ang lalake nga'y taga lupaing maburol ng Ephraim, at nakikipamayan sa Gabaa; nguni't ang mga tao sa dakong yaon ay mga Benjamita.

17 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita niya ang naglalakbay sa lansangan ng bayan; at sinabi ng matandang lalake, Saan ka paroroon? at saan ka nanggaling?

18 At sinabi niya sa kaniya, Kami ay nagdadaang mula sa Bethlehem-juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Ephraim; tagaroon ako at ako'y naparon sa Bethlehem-juda: at ako'y pasasabahay ng Panginoon; at walang taong magpatuloy sa akin.

19 Gayon man ay may dayami at damo para sa aming mga asno; at may tinapay at alak naman para sa akin, at sa iyong lingkod na babae, at sa batang kasama ng iyong mga lingkod: walang kakulangang anomang bagay,

20 At sinabi ng matandang lalake, Kapayapaan nawa ang sumaiyo; sa anomang paraa'y pabayaan mo sa akin ang lahat ng iyong mga kailangan: at huwag ka lamang tumigil sa lansangan.

21 Sa gayo'y kaniyang ipinasok sa kaniyang bahay, at binigyan ng pagkain ang mga asno: at sila'y naghugas ng kanilang mga paa, at nagkainan at naginuman.

22 Nang nangatutuwa na ang kanilang mga puso, narito, ang mga lalake sa bayan, na ilang hamak na tao, ay kinubkob ang bahay sa palibot, na hinahampas ang pintuan; at sila'y nagsalita sa may-ari ng bahay, sa matanda, na sinasabi, Ilabas mo ang lalake na pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.

23 At lumabas sa kanila ang lalake, ang may-ari ng bahay, at sinabi sa kanila, Huwag, mga kapatid ko, isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y pumasok sa aking bahay, ay huwag ninyong gawin ang kaululang ito.

24 Narito, nandito ang aking anak na dalaga, at ang kaniyang babae; akin silang ilalabas ngayon, at pangayupapain ninyo sila, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa kanila: nguni't sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anomang masama.

25 Nguni't hindi siya dininig ng mga lalake: sa gayo'y hinawakan ng lalake ang kaniyang babae at inilabas sa kanila: at sinipingan nila siya, at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang liwayway, ay pinayaon nila siya.

26 Nang magkagayo'y dumating ang babae, pagbubukang liwayway, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalake, na kinaroroonan ng kaniyang panginoon, hanggang sa lumiwanag.

27 At bumangon ang kaniyang panginoon ng kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay, at lumabas na nagpatuloy ng kaniyang lakad: at, narito, ang babae na kaniyang kinakasama ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang kaniyang mga kamay ay nasa tayuan.

28 At sinabi niya sa kaniya, Bumangon ka, at tayo na; nguni't walang sumagot: nang magkagayo'y kaniyang isinakay sa asno; at ang lalake ay bumangon, at napasa kaniyang dako.

29 At nang siya'y pumasok sa kaniyang bahay, ay kumuha siya ng isang sundang, at itinaga sa kaniyang babae, at pinagputolputol siya ayon sa kaniyang buto, ng labing dalawang putol; at ipinadala siya sa lahat ng hangganan ng Israel.

30 At nangyari, na lahat ng nakakita ay nagsabi, Walang ganitong gawang ginawa o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel na mula sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito: kayo'y magdilidili, pumayo, at magsalita.

   

Bible

 

2 Samuel 10

Studie

   

1 At nangyari pagkatapos nito, na ang hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at si Hanun na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

2 At sinabi ni David, Aking pagpapakitaan ng kagandahang loob si Hanun na anak ni Naas, na gaya ng pagpapakita ng kagandahang loob ng kaniyang ama sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At nagsiparoon ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

3 Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, Inakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw sa iyo? hindi ba nagsugo si David ng kaniyang mga bataan sa iyo upang kilalanin ang bayan, at upang tiktikan, at upang daigin?

4 Sa gayo'y kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at pinayaon.

5 Nang kanilang saysayin kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay totoong nangapahiya. At sinabi ng hari, Mangaghintay kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at kung magkagayo'y mangagbalik kayo.

6 At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, ang mga anak ni Ammon ay nangagsugo, at inupahan ang mga taga Siria sa Beth-rehob, at ang mga taga Siria sa Soba, na dalawang pung libong naglalakad, at ang hari sa Maaca na may isang libong lalake, at ang mga lalaking taga Tob na labing dalawang libong lalake.

7 At nang mabalitaan ni David, kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake.

8 At ang mga anak ni Ammon ay nagsilabas at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pasukan sa pintuang-bayan: at ang mga taga Siria sa Soba, at sa Rehob, at ang mga lalaking taga Tob at mga taga Maaca, ay nangabubukod sa parang.

9 Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nauumang laban sa kaniyang harapan at likuran, siya'y pumili ng lahat na mga hirang na lalake sa Israel, at ipinaghahanay niya laban sa mga taga Siria:

10 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ibinigay sa kamay ni Abisai na kaniyang kapatid, at kaniyang ipinaghahanay laban sa mga anak ni Ammon.

11 At kaniyang sinabi, Kung ang mga taga Siria ay maging malakas kay sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay maging malakas kay sa iyo, ay paparoon nga ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.

13 Sa gayo'y nagsilapit si Joab at ang bayan na kasama niya sa pakikipagbaka laban sa mga taga Siria: at sila'y nagsitakas sa harap niya.

14 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila naman ay nagsitakas sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa bayan. Ngayo'y bumalik si Joab na mula sa mga anak ni Ammon, at naparoon sa Jerusalem.

15 At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nasasahol sa harap ng Israel, sila'y nagpipisan.

16 At nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga Siria na nangaroon sa dako pa roon ng Ilog; at sila'y nagsiparoon sa Helam, na kasama ni Sobach na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 At nasaysay kay David, at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa Helam. At ang mga taga Siria ay nagsihanay laban kay David, at nagsilaban sa kaniya.

18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga Siria ng mga tao ng pitong daang karo, at apat na pung libo na nangangabayo, at sinaktan si Sobach na kapitan sa kanilang hukbo, na anopa't namatay roon.

19 At nang makita ng lahat na hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nasahol sa harap ng Israel, ay nangakipagpayapaan sa Israel at nangaglingkod sa kanila. Sa gayo'y nangatakot ang mga taga Siria na magsitulong pa sa mga anak ni Ammon.