Bible

 

Jeremias 48

Studie

   

1 Tungkol sa Moab. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Sa aba ng Nebo! sapagka't nalagay na sira; Chiriathaim ay nalagay sa kahihiyan, nasakop; ang Misgab ay nalagay sa kahihiyan at nabagsak.

2 Ang kapurihan ng Moab ay nawala; sa Hesbon ay nagsisikatha sila ng kasamaan laban sa kaniya: Magsiparito kayo, at ihiwalay natin siya sa pagkabansa. Ikaw, naman, Oh Madmena, madadala sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak.

3 Ang hugong ng hiyaw mula sa Horonaim, pananamsam at malaking kapahamakan!

4 Ang Moab ay sira; ang kaniyang mga bata ay nagpadinig ng kanilang hibik.

5 Sapagka't sa ahunan sa Luhith ay magsisiahon sila na may laging pagiyak; sapagka't kanilang narinig sa lusungan sa Horonaim ang kapanglawan ng hiyaw ng pagkapahamak.

6 Magsitakas kayo, inyong iligtas ang inyong mga buhay, at kayo'y maging parang kugon sa ilang.

7 Sapagka't yamang ikaw ay tumiwala sa iyong mga gawa at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay makukuha: at si Chemos ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.

8 At ang manglilipol ay darating sa bawa't bayan, at walang bayan na makatatanan; ang libis naman ay nawawala, at ang kapatagan ay masisira; gaya ng sinalita ng Panginoon.

9 Mangagbigay kayo ng mga pakpak sa Moab, upang siya'y makalipad makalabas: at ang kaniyang mga bayan ay masisira, na walang sinomang tatahan doon.

10 Sumpain nawa siya na gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon; at sumpain siya na naguurong ng kaniyang tabak sa dugo.

11 Ang Moab na tiwasay mula sa kaniyang kabataan, at siya'y nagpahinga sa kaniyang mga latak, at hindi napagsalinsalin sa sisidlan at sisidlan, o pumasok man siya sa pagkabihag: kaya't ang kaniyang lasa ay nananatili sa kaniya, at ang kaniyang bango ay hindi nababago.

12 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking susuguin sa kanila ang mga mangbubuhos, at siya'y ibubuhos nila; at kanilang tutuyuin ang kaniyang mga sisidlan, at babasagin ang kanilang mga sisidlang lupa.

13 At ang Moab ay mapapahiya dahil kay Chemos, gaya ng sangbahayan ni Israel na napahiya dahil sa Beth-el na kanilang tiwala.

14 Bakit ninyo sinasabi, Kami ay mga makapangyarihang lalake, at mga matapang na lalake na mangdidigma?

15 Ang Moab ay nalalagay na sira, at ang kaniyang mga bayan ay mga sinampa, at ang kaniyang mga piling binata ay nagsibaba sa patayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

16 Ang kasakunaan ng Moab ay malapit nang darating, at ang kaniyang pagdadalamhati ay nagmamadali.

17 Kayong lahat na nangasa palibot niya, panaghuyan ninyo siya, at ninyong lahat na nangakakakilala ng kaniyang pangalan; inyong sabihin, Bakit ang matibay na tukod ay nabali, ang magandang tungkod!

18 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Dibon, bumaba ka na mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo kang uhaw; sapagka't ang manglilipol ng Moab ay sumampa laban sa iyo, kaniyang giniba ang iyong mga katibayan.

19 Oh nananahan sa Aroer, tumayo ka sa tabi ng daan, at manubok ka: itanong mo sa kaniya na tumatakas, at sa kaniya na tumatanan; iyong sabihin; Ano ang nangyari?

20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagka't nagiba: kayo ay magsitangis at magsihiyaw; saysayin ninyo sa Arnon, na ang Moab ay nasira.

21 At ang kahatulan ay dumating sa lupaing patag, sa Holon, at sa Jahzah, at sa Mephaath,

22 At sa Dibon, at sa Nebo, at sa Beth-diblathaim,

23 At sa Chiriathaim, at sa Beth-gamul, at sa Beth-meon;

24 At sa Cherioth, at sa Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo o malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay nahiwalay, at ang kaniyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 Languhin ninyo siya; sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon: at ang Moab ay gugumon sa kaniyang suka, at siya man ay magiging kakutyaan.

27 Sapagka't hindi baga naging kakutyaan ang Israel sa iyo? hindi baga siya nasumpungan sa gitna ng mga magnanakaw? sapagka't kung paanong kadalas sinasalita mo siya, gayon naguuga ka ng ulo.

28 Oh kayong mga nananahan sa Moab, inyong iwan ang mga bayan, at kayo'y magsitahan sa malaking bato; at maging gaya ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng guwang.

29 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang pagmamataas, at ang kaniyang pagpapalalo, at ang kaniyang kahambugan, at ang pagmamatigas ng kaniyang puso.

30 Talastas ko ang kaniyang poot ay walang mangyayari; sabi ng Panginoon, ang kaniyang paghahambog ay walang nangyari.

31 Kaya't aking tatangisan ang Moab; oo, ako'y hihiyaw dahil sa buong Moab: dahil sa mga tao ng Kir-heres ay magsisitangis sila.

32 Tatangis ako ng higit kay sa pagtangis ng Jazer dahil sa iyo, Oh puno ng ubas ng Sibma: ang iyong mga sanga ay nagsisidaan ng dagat, nagsisiabot hanggang sa dagat ng Jazer: sa iyong mga bungang taginit at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol.

33 At ang kasayahan at kagalakan ay naalis, sa mainam na bukid at sa lupain ng Moab; at aking pinatigil ang alak sa mga alilisan: walang yayapak na may hiyawan; ang paghihiyawan ay hindi magiging paghihiyawan.

34 Mula sa hiniyawan ng Hesbon hanggang sa Eleale, hanggang sa Jajaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya: sapagka't ang tubig ng Nimrim man ay masisira.

35 Bukod dito ay aking papaglilikatin sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang mga dios.

36 Kaya't ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya't ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.

37 Sapagka't bawa't ulo ay kalbo, at bawa't balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa't saan man; sapagka't aking binasag ang Moab na parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.

39 Ano't nabagsak! ano't tumatangis! ano't ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.

40 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, siya'y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.

41 Ang Cherioth ay nasakop, at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

42 Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.

43 Pagkatakot, at hukay, at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.

44 Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka't dadalhin ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.

45 Silang nagsisitakas ay nagsisitayong walang lakas sa ilalim ng Hesbon; sapagka't ang apoy ay lumabas sa Hesbon, at ang alab mula sa gitna ng Sihon, at pinugnaw ang tagiliran ng Moab, at ang bao ng ulo ng mga manggugulo.

46 Sa aba mo, Oh Moab! ang bayan ni Chemos ay nawala; sapagka't ang iyong mga anak na lalake ay nadalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay nasok sa pagkabihag.

47 Gayon ma'y ibabalik ko uli ang Moab na mula sa pagkabihag sa mga huling araw, sabi ng Panginoon. Hanggang dito ang kahatulan sa Moab.

   

Bible

 

Mga Awit 37

Studie

   

1 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.

2 Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.

3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.

4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.

5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.

7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.

8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.

9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.

10 Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.

11 Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.

12 Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.

13 Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.

14 Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:

15 Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.

16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.

17 Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

18 Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.

19 Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.

20 Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.

21 Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.

22 Sapagka't ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.

23 Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.

24 Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.

25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.

26 Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

27 Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.

28 Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.

29 Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.

30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.

31 Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.

32 Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.

33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.

34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.

35 Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.

36 Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.

37 Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.

38 Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

39 Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.

40 At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.