Bible

 

Jeremias 16

Studie

   

1 Ang salita rin naman ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,

2 Huwag kang magaasawa, o magkakaroon ka man ng mga anak na lalake o babae sa dakong ito.

3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalake at tungkol sa mga anak na babae na ipinanganak sa dakong ito, at tungkol sa kanilang mga ina na nanganak sa kanila, at tungkol sa kanilang mga ama na naging anak sila sa lupaing ito.

4 Sila'y mangamamatay ng mga mabigat na pagkamatay: hindi sila pananaghuyan, o ililibing man sila; sila'y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa; at sila'y mangalilipol ng tabak, at ng kagutom; at ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

5 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang pumasok sa bahay na may tangisan, o pumaroon man upang tumaghoy, o manangis man sa mga yaon; sapagka't aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito, sabi ng Panginoon, ang kagandahang-loob at mga malumanay na kaawaan.

6 Ang malaki at gayon din ang maliit ay mangamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi mangalilibing, o tataghuyan man sila ng mga tao, o magkukudlit man o mangagpapakakalbo man dahil sa kanila;

7 O magpuputol man ng tinapay ang mga tao, sa kanila na nananangis, upang aliwin sila dahil sa namatay; hindi man sila paiinumin sa saro ng kaaliwan ng dahil sa kanilang ama o dahil sa kanilang ina.

8 At huwag kang papasok sa bahay na anyayahan upang maupong kasalo nila, na kumain at uminom.

9 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking ipatitigil sa dakong ito, sa harap ng iyong mga mata at sa inyong mga kaarawan, ang tinig ng kalayawan, at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae.

10 At mangyayari, pagka iyong ipakikilala sa bayang ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, Bakit sinalita ng Panginoon ang lahat na malaking kasamaang ito laban sa amin? o ano ang aming kasamaan? o ano ang aming kasalanan na aming ginawa laban sa Panginoon naming Dios?

11 Kung magkagayo'y iyong sasabihin sa kanila, Sapagka't pinabayaan ako ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon, at nagsisunod sa ibang mga dios, at nangaglingkod sa kanila, at nagsisamba sa kanila, at pinabayaan ako, at hindi iningatan ang aking kautusan;

12 At kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kay sa inyong mga magulang, sapagka't, narito, lumakad bawa't isa sa inyo ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang kalooban, na anopa't hindi ninyo ako dininig:

13 Kaya't kayo'y itataboy ko sa lupain na hindi ninyo nakilala, ninyo o ng inyong mga magulang man, na mula sa lupaing ito, at doo'y mangaglilingkod kayo sa ibang mga dios araw at gabi, sapagka't hindi ako magpapakita ng kagandahang loob.

14 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

15 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila. At akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang.

16 Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, sabi ng Panginoon, at magsisipangisda sila; at ipasusundo ko pagkatapos ang maraming mangangaso, at sila'y magsisipangaso sa bawa't bundok, at sa bawa't burol, at sa mga bitak ng mga malaking bato.

17 Sapagka't ang aking mga mata ay nangasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nangakukubli sa aking mukha, o nangalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.

18 At akin munang gagantihin ng ibayo ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagka't kanilang dinumhan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga bagay, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.

19 Oh Panginoon, aking kalakasan, at aking katibayan, at aking kanlungan sa kaarawan ng pagkadalamhati, sa iyo paroroon ang mga bansa na mula sa mga hangganan ng lupa, at mangagsasabi, Ang aming mga magulang ay walang minana kundi mga kabulaanan walang kabuluhan at mga bagay na hindi mapapakinabangan.

20 Gagawa baga ang tao sa kaniyang sarili ng mga dios na hindi mga dios?

21 Kaya't, narito, ipakikilala ko sa kanila, na paminsang ipakikilala ko sa kanila ang aking kamay at ang aking kapangyarihan; at kanilang makikilala na ang aking pangalan ay Jehova.

   

Bible

 

Pahayag 16

Studie

   

1 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.

2 At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.

3 At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.

4 At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo.

5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon;

6 Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila.

7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol.

8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao.

9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.

10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap,

11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.

12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.

13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka:

14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat.

15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.)

16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.

17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na:

18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot.

19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.

20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan.

21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.