Bible

 

Ezekiel 38

Studie

   

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal, at manghula ka laban sa kaniya,

3 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na pangulo sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal:

4 At aking ipipihit ka sa palibot, at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga, at ilalabas kita, at ang iyong buong kawal, mga kabayo at mga mangangabayo, na nasusuutan silang lahat ng buong kasakbatan, na malaking pulutong na may longki at kalasag, silang lahat ay nangagtatangan ng mga tabak:

5 Ang Persia, ang Cus, at ang Phut ay kasama nila; silang lahat na may kalasag at turbante;

6 Ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang sangbahayan ni Togarma sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan, at lahat niyang mga pulutong; maraming bayan na kasama mo.

7 Humanda ka, oo, humanda ka, ikaw, at ang lahat ng iyong mga pulutong na napisan ko sa iyo, at maging bantay ka sa kanila.

8 Pagkatapos ng maraming araw ay dadalawin ka: sa mga huling taon ay papasok ka sa lupain na ibinalik na mula sa paghabol ng tabak na napisan mula sa maraming bayan, sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba; nguni't nalabas sa mga bayan, at sila'y magsisitahang tiwasay, silang lahat.

9 At ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo, ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Mangyayari sa araw na yaon, na mga bagay ay darating sa iyong pagiisip, at ikaw ay magpapanukala ng masamang panukala:

11 At iyong sasabihin, Ako'y sasampa sa lupaing may mga nayong walang kuta; sasampahin ko sila na nasa katahimikan, na nagsisitahang tiwasay, silang lahat na nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang-bayan man;

12 Upang kumuha ng samsam, at upang kumuha ng huli; upang ibalik ang iyong kamay laban sa mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at laban sa bayan na napisan mula sa mga bansa, na nagtangkilik ng mga hayop at mga pag-aari, na nagsisitahan sa gitna ng lupa.

13 Ang Seba, at ang Dedan, at ang mga mangangalakal sa Tarsis, sangpu ng lahat ng batang leon niyaon, ay magsasabi sa iyo, Naparito ka baga upang kumuha ng samsam? pinisan mo baga ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam? upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga pag-aari, upang kumuha ng malaking samsam?

14 Kaya't, anak ng tao, ikaw ay manghula, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na ang aking bayang Israel ay tatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman?

15 At ikaw ay darating na mula sa iyong dako, mula sa mga kahulihulihang bahagi ng hilagaan, ikaw, at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nangakasakay sa mga kabayo, malaking pulutong at makapangyarihang hukbo;

16 At ikaw ay sasampa laban sa aking bayang Israel, na parang ulap na tatakip sa lupain: mangyayari sa mga huling araw, na dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, pagka ako'y aariing banal sa iyo, Oh Gog, sa harap ng kanilang mga mata.

17 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw baga yaong aking sinalita nang una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsipanghula nang mga araw na yaon, ng tungkol sa malaong panahon, na aking dadalhin ka laban sa kanila?

18 At mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, na ang aking kapusukan ay sasampa sa aking mga butas ng ilong.

19 Sapagka't sa aking paninibugho at sa sigalbo ng aking poot ay nagsalita ako, Tunay na sa araw na yaon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel;

20 Na anopa't ang mga isda sa dagat, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa parang, at lahat na nagsisiusad na bagay na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nangasa ibabaw ng lupa, magsisipanginig sa aking harapan, at ang mga bundok ay mangaguguho at ang mga matarik na dako ay mangabababa, at bawa't kuta ay mangababagsak sa lupa.

21 At aking tatawagin sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kaniya, sabi ng Panginoong Dios: ang tabak ng bawa't lalake ay magiging laban sa kaniyang kapatid.

22 At ako'y makikipaglaban sa kaniya sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at pauulanan ko siya, at ang kaniyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya, ng napakalakas na ulan, at ng mga malaking granizo, ng apoy, at ng azufre.

23 At ako'y pakikitang dakila at banal, at ako'y pakikilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

   

Komentář

 

Eyes and teeth

  

(Genesis 49:12) "His eyes being redder than wine," signifies divine wisdom, and "his teeth being whiter than milk," signifies justice.

(Odkazy: Arcana Coelestia 4007)

Bible

 

Ezekiel 27

Studie

   

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

2 At ikaw, anak ng tao, panaghuyan mo ang Tiro;

3 At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako'y sakdal sa kagandahan.

4 Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.

5 Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa Senir: sila'y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.

6 Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa mga pulo ng Chittim.

7 Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo'y isang watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng Elisah ang iyong kulandong.

8 Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.

9 Ang mga matanda sa Gebal at ang mga pantas niyao'y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.

10 Ang Persia, ang Lud, at ang Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.

11 Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, ang Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

14 Ang sangbahayan ni Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.

15 Ang mga tao sa Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.

16 Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.

17 Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng balsamo.

18 Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.

20 Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.

21 Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito'y naging mga mangangalakal mo sila.

22 Ang mga mangangalakal sa Seba at sa Raama, mga naging mangangalakal mo; kanilang ipinapalit sa iyong mga kalakal ang mga pinakamainam na especia, at lahat na mahalagang bato, at ang ginto.

23 Ang Haran at ang Canneh at ang Eden, na mga mangangalakal sa Seba, ang Assur at ang Chilmad ay naging mga mangangalakal mo.

24 Ang mga ito ang iyong mga mangangalakal sa mga piling kalakal sa mga balutan ng mga yaring asul at may burda, at sa mga baul na may mainam na hiyas, natatalian ng mga sintas, at yaring cedro, na ilan sa iyong mga kalakal.

25 Ang mga sasakyan sa Tarsis ay iyong mga pulutong sa iyong kalakal: at ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat.

26 Dinala ka ng iyong mga manggagaod sa malawak na dagat: binagbag ka ng hanging silanganan sa kalagitnaan ng dagat.

27 Ang iyong kayamanan, at ang iyong mga kalakal, ang iyong tinda, at ang iyong mga manggagaod, at ang iyong mga tagaugit, ang iyong mga tagapagpasak, at ang nagsisipamahala ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong lalaking mangdidigma na nangasa iyo, sangpu ng iyong lahat na pulutong na nangasa gitna mo, mangalulubog sa kalagitnaan ng dagat sa kaarawan ng iyong pagkasira.

28 Sa lakas ng hiyaw ng iyong mga tagaugit, ang mga nayon ay mangayayanig.

29 At lahat na nagsisihawak ng gaod, ang mga tao sa sasakyan, at lahat ng tagaugit sa dagat, ay magsisibaba sa kanilang mga sasakyan; sila'y magsisitayo sa ibabaw ng lupain,

30 At iparirinig ang kanilang tinig sa iyo, at hihiyaw ng kalagimlagim, at mangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, sila'y magsisigumon sa mga abo:

31 At mangagpapakakalbo dahil sa iyo, at mangagbibigkis ng kayong magaspang, at kanilang iiyakan ka ng kapanglawpanglaw sa kalooban, na may mapanglaw na pananangis.

32 At sa kanilang pagtangis ay pananaghuyan ka nila, at tatangisan ka, na sasabihin, Sino ang gaya ng Tiro na gaya niya na nadala sa katahimikan sa gitna ng dagat?

33 Pagka ang iyong mga kalakal ay inilalabas sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at ng iyong mga kalakal.

34 Sa panahon na ikaw ay bagbag sa tabi ng mga dagat sa kalaliman ng tubig, ang iyong kalakal at ang iyong buong pulutong ay lumubog sa gitna mo.

35 Lahat ng mananahan sa mga pulo ay nangatitigilan dahil sa iyo, at ang kanilang mga hari ay nangatakot ng di kawasa, sila'y nangamanglaw sa kanilang mukha.

36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay naging kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay pa.