Bible

 

Exodo 24

Studie

   

1 At kaniyang sinabi kay Moises, Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitong pu ng mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo:

2 At si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; datapuwa't sila'y hindi lalapit; o ang bayan man ay sasampang kasama niya.

3 At lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin.

4 At sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labing dalawang batong pinakaalaala, ayon sa labing dalawang lipi ng Israel.

5 At kaniyang sinugo ang mga binata ng mga anak ni Israel, na nagsipaghandog ng mga handog na susunugin at nagsipaghain sa Panginoon ng handog na baka tungkol sa kapayapaan.

6 At kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo, at inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay iniwisik sa ibabaw ng dambana.

7 At kaniyang kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.

8 At kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik sa bayan, at sinabi, Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat ng mga salitang ito.

9 Nang magkagayo'y sumampa si Moises, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitongpu ng mga matanda sa Israel:

10 At kanilang nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng kaniyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong zafiro, at paris din ng langit sa kaliwanagan.

11 At sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay: at sila'y tumingin sa Dios, at kumain at uminom.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sampahin mo ako sa bundok, at dumoon ka: at ikaw ay bibigyan ko ng mga tapyas na bato, at ng kautusan, at ng utos na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.

13 At tumindig si Moises, at si Josue na kaniyang tagapangasiwa: at si Moises ay sumampa sa bundok ng Dios.

14 At kaniyang sinabi sa mga matanda, Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo: at, narito si Aaron at si Hur ay kasama ninyo: sinomang magkaroon ng usap ay lumapit sa kanila.

15 At sumampa si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.

16 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanahan sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ng ulap na anim na araw: at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.

17 At ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay paris ng apoy na manunupok sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa harap ng mga mata ng mga anak ni Israel.

18 At pumasok si Moises sa gitna ng ulap, at sumampa sa bundok: at si Moises ay natira sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi.

   

Bible

 

Ezekiel 2

Studie

   

1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya'y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito.

4 At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios.

5 At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.

6 At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.

7 At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka't sila'y totoong mapanghimagsik.

8 Nguni't ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo.

9 At nang ako'y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon;

10 At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.