Bible

 

Exodo 17

Studie

   

1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan.

2 Kaya't ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? bakit ninyo tinutukso ang Panginoon?

3 At ang bayan ay nauhaw at inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan?

4 At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang batuhin nila ako.

5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka.

6 Narito, ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel.

7 At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin o wala?

8 Nang magkagayo'y dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim.

9 At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang tungkod ng Dios sa aking kamay.

10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol.

11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec.

12 Datapuwa't ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila'y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa'y sa isang dako, at ang isa'y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit.

15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi.

16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.

   

Bible

 

Mga Awit 44

Studie

   

1 Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.

2 Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila; iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.

3 Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay: kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.

4 Ikaw ang aking Hari, Oh Dios: magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.

5 Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.

6 Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.

7 Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.

8 Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)

9 Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri; at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.

10 Iyong pinatatalikod kami sa kaaway: at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.

11 Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain; at pinangalat mo kami sa mga bansa.

12 Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.

13 Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.

14 Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.

15 Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,

16 Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw; dahil sa kaaway at sa manghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka, ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.

18 Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;

19 Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal, at tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.

20 Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios, O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;

21 Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.

22 Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.

23 Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon? Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.

24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?

25 Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.

26 Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan, at tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.