Bible

 

Daniel 6

Studie

   

1 Minagaling ni Dario na maglagay sa kaharian ng isang daan at dalawang pung satrapa, na doroon sa buong kaharian;

2 At sa kanila'y tatlong pangulo, na si Daniel ay isa; upang ang mga satrapang ito ay mangagbigay-alam sa kanila, at upang ang hari ay huwag magkaroon ng kapanganiban.

3 Nang magkagayo'y ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, sapagka't isang marilag na espiritu ay nasa kaniya; at inisip ng hari na ilagay siya sa buong kaharian.

4 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at ang mga satrapa ay nagsihanap ng maisusumbong laban kay Daniel, tungkol sa kaharian; nguni't hindi sila nangakasumpong ng anomang kadahilanan, ni kakulangan man, palibhasa'y tapat siya, walang anomang kamalian ni kakulangan nasumpungan sa kaniya.

5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, Hindi tayo mangakakasumpong ng anomang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo'y mangakasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Dios.

6 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at mga satrapang ito ay nagpisan sa hari, at nagsabi ng ganito sa kaniya, Haring Dario, mabuhay ka magpakailan man.

7 Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.

8 Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

9 Kaya't ang kasulatan at ang pasiya ay nilagdaan ng pangalan ng haring Dario.

10 At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem); at siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.

11 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito, at nasumpungan si Daniel na sumasamo at dumadaing sa harap ng kaniyang Dios.

12 Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

13 Nang magkagayo'y nagsisagot sila, at nangagsabi sa harap ng hari, Ang Daniel na yaon na sa mga anak ng nangabihag sa Juda, hindi ka pinakukundanganan, Oh hari, o ang pasiya man na iyong nilagdaan ng pangalan, kundi dumadalangin na makaitlo isang araw.

14 Nang marinig nga ng hari ang mga salitang ito namanglaw na mainam, at inilagak ang kaniyang puso kay Daniel, upang iligtas siya; at kaniyang pinagsikapan hanggang sa paglubog ng araw na iligtas siya.

15 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito sa hari at nagsabi sa hari, Talastasin mo, Oh hari, na isang kautusan ng mga taga Media, at ng mga taga Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.

16 Nang magkagayo'y nagutos ang hari, at kanilang dinala si Daniel, at inihagis siya sa yungib ng mga leon. Ang hari nga ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ang iyong Dios na pinaglilingkuran mong palagi, ay siyang magliligtas sa iyo.

17 At isang bato ay dinala, at inilagay sa bunganga ng yungib; at tinatakan ng hari ng kaniyang singsing na panatak, at ng singsing na panatak ng kaniyang mga mahal na tao; upang walang anomang bagay ay mababago tungkol kay Daniel.

18 Nang magkagayo'y umuwi ang hari sa kaniyang palacio, at nagparaan ng buong gabi na nagaayuno; at wala kahit panugtog ng tugtugin na dinala sa harap niya: at ang kaniyang pagaantok ay nawala.

19 Nang magkagayo'y bumangong maagang maaga ang hari, at naparoon na madali sa yungib ng mga leon.

20 At nang siya'y lumapit sa yungib kay Daniel, siya'y sumigaw ng taghoy na tinig; ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Oh Daniel, na lingkod ng buhay na Dios, ang iyo bagang Dios na iyong pinaglilingkurang palagi ay makapagliligtas sa iyo sa mga leon?

21 Sinabi nga ni Daniel sa hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

22 Ang Dios ko'y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan; palibhasa'y sa harap niya ay nasumpungan akong walang sala; at gayon din sa harap mo, Oh hari, wala akong ginawang kasamaan.

23 Nang magkagayo'y natuwang mainam ang hari, at ipinagutos na kanilang isampa si Daniel mula sa yungib. Sa gayo'y isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat nasumpungan sa kaniya, sapagka't siya'y tumiwala sa kaniyang Dios.

24 At ang hari ay nagutos, at kanilang dinala ang mga lalaking yaon na nagsumbong laban kay Daniel, at sila'y inihagis nila sa yungib ng mga leon, sila ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa; at ang leon ay nanaig sa kanila, at pinagwaraywaray ang lahat ng kanilang buto, bago sila dumating sa kalooblooban ng yungib.

25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na tumatahan sa buong lupa; Kapayapaa'y managana sa inyo.

26 Ako'y nagpapasiya, na sa lahat ng sakop ng aking kaharian ay magsipanginig at mangatakot ang mga tao sa harap ng Dios ni Daniel; sapagka't siya ang buhay na Dios, at namamalagi magpakailan man, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba; at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging hanggang sa wakas.

27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, at siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, na siyang nagligtas kay Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.

28 Gayon guminhawa ang Daniel na ito sa paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga Persia.

   

Bible

 

Mga Awit 37

Studie

   

1 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.

2 Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.

3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.

4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.

5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.

7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.

8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.

9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.

10 Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.

11 Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.

12 Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.

13 Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.

14 Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:

15 Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.

16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.

17 Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

18 Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.

19 Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.

20 Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.

21 Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.

22 Sapagka't ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.

23 Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.

24 Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.

25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.

26 Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

27 Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.

28 Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.

29 Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.

30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.

31 Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.

32 Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.

33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.

34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.

35 Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.

36 Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.

37 Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.

38 Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

39 Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.

40 At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.