圣经文本

 

Levitico第20章

学习

   

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Bukod dito'y sasabihin mo rin sa mga anak ni Israel, Sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa Israel, na magbigay ng kaniyang binhi kay Moloch; ay papataying walang pagsala; siya'y babatuhin ng mga bato ng mga tao ng lupain.

3 Akin ding itititig ang aking mukha laban sa taong yaon, at akin siyang ihihiwalay sa kaniyang bayan: sapagka't binigyan niya ng kaniyang binhi si Moloch, upang ihawa ang aking santuario, at lapastanganin ang aking banal na pangalan.

4 At kung ilingid ng bayan sa lupain sa paraang anoman ang kanilang mga mata sa taong yaon, pagka nagbibigay ng kaniyang binhi kay Moloch, at hindi papatayin:

5 Ay itititig ko nga ang aking mukha laban sa taong yaon, at laban sa kaniyang sangbahayan, at ihihiwalay ko sa kanilang bayan, siya at lahat ng manalig na sumunod sa kaniya, na nanalig kay Moloch.

6 At ang taong magbalik sa inaalihan ng masamang espiritu at sa mga mangkukulam, upang manalig sa mga yaon ay itititig ko ang aking mukha laban sa taong yaon, at ihihiwalay ko siya sa kaniyang bayan.

7 Magpakabanal nga kayo at kayo'y maging banal; sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios.

8 At iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.

9 Sapagka't bawa't isa na lumalait sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay papatayin na walang pagsala: kaniyang nilait ang kaniyang ama o ang kaniyang ina: mabububo ang kaniyang dugo sa kaniya.

10 Ang lalake na mangalunya sa asawa ng iba, sa makatuwid baga'y yaong mangalunya sa asawa ng kaniyang kapuwa, ay papatayin na walang pagsala ang nangangalunya at ang napakalunya.

11 At ang lalaking sumiping sa asawa ng kaniyang ama, ay kahubaran ng kaniyang ama ang kaniyang inilitaw: kapuwa sila papatayin na walang pagsala; mabububo ang dugo nila sa kanila.

12 At kung ang isang lalake ay sumiping sa kaniyang manugang, ay kapuwa sila papatayin; sila'y gumawa ng kahalayhalay; mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

13 At kung ang isang lalake ay sumiping sa kapuwa lalake, na gaya ng pagsiping sa babae: ay kapuwa sila nagkasala ng karumaldumal: sila'y papatayin na walang pagsala: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

14 At kung ang isang lalake ay magasawa sa isang babae at sa kaniyang ina, ay kasamaan; susunugin sa apoy kapuwa siya at sila; upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyo.

15 At kung ang isang lalake ay makiapid sa hayop, ay papatayin na walang pagsala: at papatayin din ninyo ang hayop.

16 At kung ang isang babae ay lumapit sa alin mang hayop at pasiping ay papatayin mo ang babae at ang hayop: sila'y papatayin na walang pagsala; mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

17 At kung kunin ng isang lalake ang kaniyang kapatid na babae, na anak ng kaniyang ama o anak ng kaniyang ina, at kaniyang makita ang kaniyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya: ay bagay na kahalayhalay nga; at sila'y ihihiwalay sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan: ang kahubaran ng kaniyang kapatid na babae ay inilitaw niya; kaniyang tataglayin ang kasamaan niya.

18 At kung ang isang lalake ay sumiping sa isang babaing may karumalan, at ilitaw ang kahubaran niya; ay kaniyang hinubdan ang agas niya, at siya naman ay lumitaw ng agas ng kaniyang dugo: at sila'y kapuwa ihihiwalay sa kanilang bayan.

19 At huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama: sapagka't hinubdan niya ang kaniyang kamaganak na malapit: kapuwa magtataglay ng kanilang kasamaan.

20 At kung ang isang lalake ay sumiping sa asawa ng kaniyang amain ay kaniyang inilitaw ang kahubaran ng kaniyang amain: tataglayin nila ang kanilang kasalanan; mamamatay silang walang anak.

21 At kung ang isang lalake ay makisama sa asawa ng kaniyang kapatid na lalake, ay kahalayan: kaniyang inilitaw ang kahubaran ng kaniyang kapatid na lalake; mabubuhay silang walang anak.

22 Ingatan nga ninyo ang lahat ng aking mga palatuntunan at ang lahat ng aking mga kahatulan, at inyong isasagawa: upang huwag kayong iluwa ng lupain na aking pinagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.

23 At huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harap ninyo: sapagka't ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at kaya ko kinapopootan.

24 Datapuwa't sa inyo'y aking sinabi, Mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot: ako ang Panginoon ninyong Dios na ibinukod ko kayo sa mga bayan.

25 Inyo ngang lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang karumaldumal, at ang ibong karumaldumal at ang malinis: at huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao, sa hayop o sa ibon, o sa anomang bagay na umuusad sa lupa, na inihiwalay ko sa inyo palibhasa'y mga karumaldumal.

26 At kayo'y magpapakabanal sa akin: sapagka't akong, Panginoon, ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin.

27 Ang isang lalake rin naman o kaya'y ang isang babae na inaalihan ng masamang espiritu, o mangkukulam, ay papatayin na walang pagsala, sila'y babatuhin ng mga bato: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

   

圣经文本

 

Juan第8章

学习

   

1 Datapuwa't si Jesus ay napasa bundok ng mga Olivo.

2 At pagka umaga ay nagbalik siya sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya; at siya'y naupo, at sila'y tinuruan.

3 At dinala sa kaniya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya; at nang mailagay siya sa gitna,

4 Ay sinabi nila sa kaniya, Guro, nahuli ang babaing ito sa kasalukuyan ng pangangalunya.

5 Sa kautusan nga ay ipinagutos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan: ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya?

6 At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

7 Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.

8 At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

9 At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.

10 At umunat si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?

11 At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.

12 Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.

13 Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo.

14 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon.

15 Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao.

16 Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.

17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.

18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin.

19 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.

20 Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

21 Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

22 Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

23 At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito.

24 Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.

25 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una.

26 Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan.

27 Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila.

28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.

29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod.

30 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya.

31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;

32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.

33 Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya?

34 Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan.

35 At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man.

36 Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya.

37 Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo.

38 Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama.

39 Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.

40 Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.

41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nila sa kaniya, Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios.

42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.

43 Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita.

44 Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.

45 Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan.

46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan?

47 Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

48 Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio?

49 Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri.

50 Nguni't hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol.

51 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan.

52 Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan.

53 Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham, na namatay? at nangamatay ang mga propeta: sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili?

54 Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios;

55 At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita.

56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa.

57 Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?

58 Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga.

59 Sila nga'y nagsidampot ng mga bato upang ihagis sa kaniya: datapuwa't nagtago si Jesus, at lumabas sa templo.