圣经文本

 

Daniel第6章

学习

   

1 Minagaling ni Dario na maglagay sa kaharian ng isang daan at dalawang pung satrapa, na doroon sa buong kaharian;

2 At sa kanila'y tatlong pangulo, na si Daniel ay isa; upang ang mga satrapang ito ay mangagbigay-alam sa kanila, at upang ang hari ay huwag magkaroon ng kapanganiban.

3 Nang magkagayo'y ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, sapagka't isang marilag na espiritu ay nasa kaniya; at inisip ng hari na ilagay siya sa buong kaharian.

4 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at ang mga satrapa ay nagsihanap ng maisusumbong laban kay Daniel, tungkol sa kaharian; nguni't hindi sila nangakasumpong ng anomang kadahilanan, ni kakulangan man, palibhasa'y tapat siya, walang anomang kamalian ni kakulangan nasumpungan sa kaniya.

5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, Hindi tayo mangakakasumpong ng anomang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo'y mangakasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Dios.

6 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at mga satrapang ito ay nagpisan sa hari, at nagsabi ng ganito sa kaniya, Haring Dario, mabuhay ka magpakailan man.

7 Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.

8 Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

9 Kaya't ang kasulatan at ang pasiya ay nilagdaan ng pangalan ng haring Dario.

10 At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem); at siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.

11 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito, at nasumpungan si Daniel na sumasamo at dumadaing sa harap ng kaniyang Dios.

12 Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

13 Nang magkagayo'y nagsisagot sila, at nangagsabi sa harap ng hari, Ang Daniel na yaon na sa mga anak ng nangabihag sa Juda, hindi ka pinakukundanganan, Oh hari, o ang pasiya man na iyong nilagdaan ng pangalan, kundi dumadalangin na makaitlo isang araw.

14 Nang marinig nga ng hari ang mga salitang ito namanglaw na mainam, at inilagak ang kaniyang puso kay Daniel, upang iligtas siya; at kaniyang pinagsikapan hanggang sa paglubog ng araw na iligtas siya.

15 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito sa hari at nagsabi sa hari, Talastasin mo, Oh hari, na isang kautusan ng mga taga Media, at ng mga taga Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.

16 Nang magkagayo'y nagutos ang hari, at kanilang dinala si Daniel, at inihagis siya sa yungib ng mga leon. Ang hari nga ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ang iyong Dios na pinaglilingkuran mong palagi, ay siyang magliligtas sa iyo.

17 At isang bato ay dinala, at inilagay sa bunganga ng yungib; at tinatakan ng hari ng kaniyang singsing na panatak, at ng singsing na panatak ng kaniyang mga mahal na tao; upang walang anomang bagay ay mababago tungkol kay Daniel.

18 Nang magkagayo'y umuwi ang hari sa kaniyang palacio, at nagparaan ng buong gabi na nagaayuno; at wala kahit panugtog ng tugtugin na dinala sa harap niya: at ang kaniyang pagaantok ay nawala.

19 Nang magkagayo'y bumangong maagang maaga ang hari, at naparoon na madali sa yungib ng mga leon.

20 At nang siya'y lumapit sa yungib kay Daniel, siya'y sumigaw ng taghoy na tinig; ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Oh Daniel, na lingkod ng buhay na Dios, ang iyo bagang Dios na iyong pinaglilingkurang palagi ay makapagliligtas sa iyo sa mga leon?

21 Sinabi nga ni Daniel sa hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

22 Ang Dios ko'y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan; palibhasa'y sa harap niya ay nasumpungan akong walang sala; at gayon din sa harap mo, Oh hari, wala akong ginawang kasamaan.

23 Nang magkagayo'y natuwang mainam ang hari, at ipinagutos na kanilang isampa si Daniel mula sa yungib. Sa gayo'y isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat nasumpungan sa kaniya, sapagka't siya'y tumiwala sa kaniyang Dios.

24 At ang hari ay nagutos, at kanilang dinala ang mga lalaking yaon na nagsumbong laban kay Daniel, at sila'y inihagis nila sa yungib ng mga leon, sila ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa; at ang leon ay nanaig sa kanila, at pinagwaraywaray ang lahat ng kanilang buto, bago sila dumating sa kalooblooban ng yungib.

25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na tumatahan sa buong lupa; Kapayapaa'y managana sa inyo.

26 Ako'y nagpapasiya, na sa lahat ng sakop ng aking kaharian ay magsipanginig at mangatakot ang mga tao sa harap ng Dios ni Daniel; sapagka't siya ang buhay na Dios, at namamalagi magpakailan man, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba; at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging hanggang sa wakas.

27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, at siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, na siyang nagligtas kay Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.

28 Gayon guminhawa ang Daniel na ito sa paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga Persia.

   

圣经文本

 

Panaghoy第3章

学习

   

1 Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.

2 Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.

3 Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.

4 Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.

5 Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.

6 Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.

7 Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.

8 Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.

9 Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.

10 Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.

11 Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;

12 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.

13 Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.

14 Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.

15 Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.

16 Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.

17 At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.

18 At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.

19 Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.

20 Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.

21 Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.

22 Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.

23 Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.

24 Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.

26 Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.

27 Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.

28 Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.

29 Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.

30 Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.

31 Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.

32 Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.

33 Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.

34 Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.

35 Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,

36 Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.

37 Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?

38 Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?

39 Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?

40 Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.

41 Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.

42 Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.

43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.

44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.

45 Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.

46 Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.

47 Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.

48 Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.

49 Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.

50 Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.

51 Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.

52 Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.

53 Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.

54 Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.

55 Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.

56 Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.

57 Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.

58 Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.

59 Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.

60 Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.

61 Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,

62 Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.

63 Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.

64 Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

65 Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.

66 Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.