Библия

 

Ezekiel 17

Учиться

   

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, magbugtong ka, at magsalita ka ng talinhaga sa sangbahayan ni Israel;

3 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Isang malaking aguila na may mga malaki at mahabang pakpak na puno ng mga balahibo, na may sarisaring kulay, naparoon sa Libano, at kinuha ang dulo ng cedro:

4 Kaniyang binali ang pinakamataas na sariwang mga sanga niyaon, at dinala sa isang lupain na kalakalan; inilagay niya sa isang bayan ng mga mangangalakal.

5 Kumuha rin siya sa binhi ng lupain, at itinanim sa isang mainam na lupa; itinanim niya sa tabi ng maraming tubig; kaniyang itinanim na parang puno ng kahoy na sauce.

6 At tumubo, at naging mayabong, na puno ng baging na mababa, na ang mga sanga ay patungo sa dako niya, at ang mga ugat niyao'y nasa ilalim niya; sa gayo'y naging isang puno ng baging, at nagsanga, at nagsupling.

7 May iba namang malaking aguila na may mga malaking pakpak at maraming balahibo: at, narito, ang puno ng baging na ito ay pumihit ang mga ugat niyaon, sa dako niya, at isinupling ang kaniyang mga sanga sa dako niya mula sa mga pitak na kinatatamanan, upang kaniyang madilig.

8 Natanim sa isang mabuting lupa sa siping ng maraming tubig, upang makapagsanga, at makapagbunga, upang maging mabuting puno ng baging.

9 Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Giginhawa baga yaon? hindi baga niya bubunutin ang mga ugat niyaon, at kikitlin ang bunga niyaon, upang matuyo; upang ang lahat na sariwang ladlad na mga dahon niyaon ay mangatuyo? at hindi sa pamamagitan ng malakas na bisig o maraming tao ay ito'y mabubunot sa mga ugat.

10 Oo, narito, yamang natanim ay giginhawa baga? hindi baga lubos na matutuyo pagka nahipan siya ng hanging silanganan? matutuyo sa mga pitak na tinubuan niya.

11 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

12 Sabihin mo nga sa mapanghimagsik na sangbahayan, Hindi baga ninyo nalalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito? saysayin mo sa kanila, Narito, ang hari sa Babilonia ay dumating sa Jerusalem, at kinuha ang hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, at dinala niya sa Babilonia.

13 At siya'y kumuha sa lahing hari, at nakipagtipan siya sa kaniya: isinailalim din niya siya sa panunumpa, at dinala ang mga dakila sa lupain;

14 Upang ang kaharian ay mababa, upang huwag makataas, kundi sa pagiingat ng kaniyang tipan ay mapatayo.

15 Nguni't siya'y nanghimagsik laban sa kaniya sa pagpapadala ng kaniyang mga sugo sa Egipto, upang mabigyan nila siya ng mga kabayo at maraming tao. Giginhawa baga siya? makatatanan baga siya na gumagawa ng ganyang mga bagay? makatatahan kaya siya na sumira ng tipan?

16 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, tunay na sa dakong tinatahanan ng hari na pinaggawaan sa kaniyang hari, na ang sumpa ay hinamak niya, at ang tipan ay sinira niya, siya nga'y mamamatay sa gitna ng Babilonia na kasama niya.

17 Kahit si Faraon man sangpu ng kaniyang makapangyarihang hukbo at malaking pulutong sa pakikidigma ay walang magagawa, pagka sila'y mangagtitindig ng mga bunton; at mangagtatayo ng mga katibayan, upang pumatay ng maraming mga tao.

18 Sapagka't kaniyang hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan; at narito, naiabot na niya ang kaniyang kamay, at gayon ma'y ginawa ang lahat na bagay na ito; siya'y hindi makatatanan.

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Buhay ako, walang pagsalang ang panunumpa sa akin na kaniyang hinamak, at ang tipan sa akin na kaniyang sinira, aking pararatingin sa kaniyang sariling ulo.

20 At aking ilalagay ang aking panilo sa kaniya, at siya'y mahuhuli sa aking silo, at dadalhin ko siya sa Babilonia, at siya'y aking hahatulan doon dahil sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang isinalangsang laban sa akin.

21 At ang lahat niyang mga tanan sa lahat niyang pulutong ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang nalabi ay mangangalat sa bawa't dako: at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita niyaon.

22 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Kukuha naman ako sa dulo ng mataas na cedro, at aking itatanim; sa pinakamataas ng kaniyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas na bundok at matayog:

23 Sa bundok na kaitaasan ng Israel ay aking itatanim: at magsasanga at magbubunga, at magiging mainam na cedro: at sa lilim niyao'y tatahan ang lahat na ibon na ma'y iba't ibang uri; sa lilim ng mga sanga niyaon magsisitahan sila.

24 At ang lahat na punong kahoy sa parang ay makakaalam na akong Panginoon ang nagbaba sa mataas na punong kahoy, nagtaas sa mababang punong kahoy, tumuyo sa sariwang punong kahoy, at nagpanariwa sa tuyong punong kahoy: akong Panginoon ang nagsalita at gumawa niyaon.

   

Библия

 

Ezekiel 19

Учиться

   

1 Bukod dito'y magbadya ka ng isang taghoy na ukol sa mga prinsipe sa Israel.

2 At iyong sabihin, naging ano baga ang iyong ina? Isang leona: siya'y humiga sa gitna ng mga leon, sa gitna ng mga batang leon, pinakain niya ang kaniyang mga anak.

3 At pinalaki niya ang isa sa kaniyang mga anak: yao'y naging isang batang leon, at yao'y natuto na manghuli at lumamon ng mga tao.

4 Narinig naman yaon ng mga bansa; yao'y nahuli sa kanilang hukay; at dinala nila yaon na natatanikalaan sa lupain ng Egipto.

5 Nang makita nga niya na siya'y naghintay, at ang kaniyang pagasa ay nawala, kumuha nga siya ng iba sa kaniyang mga anak, at ginawang batang leon.

6 At yao'y nagpanhik manaog sa gitna ng mga leon, yao'y naging batang leon; at yao'y natuto na manghuli, at lumamon ng mga tao.

7 At naalaman niya ang kanilang mga palacio, at sinira ang kanilang mga bayan; at ang lupain ay nagiba, at ang lahat na nangandoon, dahil sa hugong ng kaniyang angal.

8 Nang magkagayo'y nagsilagay ang mga bansa laban sa kaniya sa bawa't dako na mula sa mga lalawigan; at ipinaglagay nila siya ng panilo; nahuli siya sa kanilang hukay.

9 At may tanikalang inilagay siya nila sa isang kulungan, at dinala nila siya sa hari sa Babilonia; ipinasok nila siya sa katibayan, upang ang kaniyang tinig ay huwag nang marinig sa mga bundok ng Israel.

10 Ang inyong ina ay parang puno ng ubas sa iyong dugo, na natanim sa tabi ng tubig: siya'y mabunga at puno ng mga sanga, dahil sa maraming tubig.

11 At siya'y nagkaroon ng mga matibay na tutungkurin na magagawang mga cetro nila na nagpupuno, at ang kanilang taas ay nataas sa mga masinsing sanga, at nangakita sa kanilang taas dahil sa karamihan ng kanilang mga sanga.

12 Nguni't siya'y nabunot sa pag-aalab ng loob, siya'y nahagis sa lupa, at tinuyo ng hanging silanganan ang bunga niya: ang kaniyang mga matibay na tutungkurin ay nangabali at nagsidupok; pinagsupok sa apoy.

13 At ngayo'y natanim siya sa ilang, sa isang tuyo at uhaw na lupain.

14 At lumabas ang apoy sa mga tutungkurin ng kaniyang mga sanga, sinupok ang kaniyang bunga, na anopa't nawalan ng matibay na tutungkurin na magiging cetro upang ipagpuno. Ito ay panaghoy, at magiging pinakapanaghoy.